
MANILA — Lalong lumalalim ang bulok na sistema! Isang matinding balasahan ang nakaambang ipatupad sa Land Transportation Office (LTO) matapos mabuking ang laganap na dayaan sa paglalabas ng mga Theoretical at Practical Driving Course (TDC at PDC) certificates kahit hindi dumaan sa tamang proseso ang mga aplikante.
Sa inilabas na pahayag nitong Linggo, Hunyo 8, ibinunyag ng LTO na 205 driving schools sa buong bansa ang nahuling nagmamaniobra sa computer system ng ahensya para maipasa ang mas maraming estudyante kaysa sa itinakdang limitasyon.
Masaklap? Kahit hindi umatend ng seminar o training, may certificate na agad ang iba.
Hindi lang mga eskwelahan ang sinisisi — 88 hepe ng LTO district offices ang pinagpapaliwanag kung bakit tila pinabayaan ang kalokohan o baka naman kasabwat pa?!
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, “Matagal na naming sinabi—’di na pwede ang palusot! Buhay ng mga motorista at tao sa kalsada ang nakasalalay rito.”
Ilan sa mga karumal-dumal na modus:
- Pag-upload ng sobra-sobrang driving certificates kahit lampas na sa daily quota;
- Paglalabas ng sertipiko kahit hindi nagtapos sa training;
- Pagbibigay ng TDC at PDC sa mga ghost student—walang attendance, may lisensiya.
Noong Mayo pa lang, mahigit 100 driving schools na ang sinuspinde sa kaparehong dahilan. Pero ngayon, mas malaki, mas malala, mas lantaran!
Bantay-sarado na ngayon ang mga LTO system, at tiniyak ng pamunuan ni Mendoza na may kasunod pang mas mabibigat na parusa.
“Walang sasantuhin. Panahon na para linisin ang hanay ng mga abusado,” diin ni Mendoza.
Kung balak mong magpa-drivers license gamit ang shortcut, mag-ingat ka na—baka hindi lisensiya ang makuha mo, kundi kaso!
More Stories
1 Patay, 2 Sugatan sa Pamamaril sa Teresa, Rizal
Lalaki, Binugbog at Ninakawan ng Ka-inuman sa Cainta; 2 Suspek, Naaresto
BANGKAY INILUWA NG ILOG SA TAYTAY