June 8, 2025

Mahigit P307-M Halaga ng Smuggled na Asukal Nasamsam sa Bulacan Raid

Meycauayan City, Bulacan — Umabot sa mahigit P307 milyon ang halaga ng nasabat na imported na asukal matapos salakayin ng mga awtoridad ang tatlong bodega sa lungsod na ito noong Biyernes, Hunyo 6.

Ayon kay Police Colonel Ranie P. Hachuela, Officer-in-Charge ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at ilegal na aktibidad kaugnay ng mga produktong agrikultural.

Nasabat sa mga bodega ang 95,568 sako ng asukal, na tinatayang may kabuuang halaga na P307,675,950.00. Ang mga operasyon ay isinagawa ng CIDG-Bulacan Provincial Field Unit katuwang ang iba pang yunit ng pulisya, sa bisa ng search warrant na nakuha sa tulong ng Department of Agriculture Inspectorate Enforcement (DA-IE) at Sugar Regulatory Administration (SRA).

Giit ni Col. Hachuela, ang ilegal na pag-iimbak ng mga produktong agrikultural ay labag sa batas sapagkat nakaaapekto ito sa presyo sa merkado at maaaring magdulot ng artipisyal na kakulangan o hoarding.

“Illegal storing of agricultural products, including sugar regardless of quantity, is considered economic sabotage, thus, against the law,” ani Hachuela.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 laban sa mga may-ari ng mga sangkot na bodega.

“The operations underscore our unyielding stance against smuggling of agricultural products and economic sabotage,” dagdag ni Hachuela.

“With the confiscation of this allegedly illegally stored very large amount of sugar, we significantly prevented hoarding and economic sabotage.”

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng operasyon at kung may mga opisyal o personalidad na posibleng sangkot sa smuggling network.