June 6, 2025

KOREAN SCAMMER NA MAY P400-M KASONG FRAUD, NASUKOL NG BI

Ang dayuhang Koreano na inaresto ng BI sa Pasay City kaugnay ng umano’y ₱400-M scam. (ARSENIO TAN)

Pasay City — Isang Korean national na wanted sa South Korea dahil sa umano’y pagkakasangkot sa malaking kasong panlilinlang na nagkakahalaga ng mahigit ₱400 milyon ang naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa Pasay City.

Kinilala ni BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy ang suspek na si Nam Sungjin, 53 taong gulang, na inaresto bandang alas-8 ng umaga sa isang operasyon na isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Supreme Prosecutors’ Office ng Republic of Korea at sa Philippine Air Force.

Ayon kay Sy, si Nam ay may standing warrant of arrest mula sa Changwon District Court, Miryang Branch, para sa paglabag sa Article 347-(1) ng Korean Criminal Act na tumutukoy sa kaso ng fraud o panloloko.

Batay sa ulat ng Korean authorities, si Nam ay nagpanggap umano bilang isang lehitimong negosyante na may operasyon sa Korea at Pilipinas. Dahil sa panlilinlang na ito, isang biktima ang naglipat ng higit ₱400 milyon sa kaniyang bank account noong 2022 bilang bahagi ng diumano’y investment. Sa halip na i-invest ang pera, ginamit daw ito ng suspek upang bayaran ang kaniyang personal na utang.

“The Philippines will never be a safe haven for foreign fugitives,” ayon sa pahayag ng BI.

Si Nam ay dadaan sa standard booking at documentation procedures, at siya’y pansamantalang idedetina sa BI Warden Facility sa Taguig habang isinasagawa ang mga proseso para sa kaniyang deportation. (ARSENIO TAN)