June 6, 2025

OCD: MATINDING PAGTAAS NG PAMASAHE AT CARGO FARES SA EASTERN VISAYAS, IMBESTIGAHAN

Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa Department of Transportation (DOTr), Civil Aeronautics Board (CAB), at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na agad imbestigahan ang ulat ng umano’y pagtaas ng pasahe at cargo rates sa mga biyahe patungong Tacloban, Catarman, at Ormoc City sa rehiyon ng Eastern Visayas.

Sa isang sulat kay DOTr Secretary Vince Dizon, ipinaabot ni OCD Administrator Undersecretary Ariel F. Nepomuceno ang pangamba na ang kasalukuyang rehabilitasyon ng San Juanico Bridge ang posibleng sanhi ng pagtaas ng demand at pamasahe sa rehiyon.

“We respectfully appeal to the Civil Aeronautics Board (CAB) and the Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) to immediately look into this matter and implement appropriate legal measures,” ani Nepomuceno.

Hinimok rin niya ang mga ahensya na dagdagan ang biyahe ng eroplano patungo sa mga paliparan sa Ormoc, Calbayog, at Catarman upang maibsan ang pagsisikip sa Tacloban Airport, lalo na habang inaayos pa ang San Juanico Bridge.

Bukod dito, iminungkahi rin ng OCD ang posibilidad na maglabas ng provisional permits at certificates of public convenience para sa mga pampublikong transportasyon at kargamento bilang suporta sa inaasahang pagdagsa ng pasahero at produkto.

“Ang agarang pagkilos upang makontrol ang mga ulat na pagtaas sa pamasahe ay makakatulong upang mapawi ang pagkadismaya ng mga residente ng Region VIII at maibalik ang sigla ng lokal na ekonomiya,” dagdag ni Nepomuceno.

Hiniling rin ng OCD ang kooperasyon ng Philippine Ports Authority (PPA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Maritime Industry Authority (MARINA) para sa mas malawak na solusyon sa krisis sa transportasyon sa rehiyon.

Tiniyak ng OCD ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at stakeholder upang masigurong abot-kaya, maayos, at maaasahan ang transportasyon para sa mamamayan ng Eastern Visayas sa gitna ng hamong ito.