
Cainta, Rizal — Isa na namang makasaysayang proyekto ang naisakatuparan sa bayan ng Cainta matapos opisyal na buksan ang Blood Bank ng lokal na ospital, isang proyektong pinaghirapan ng halos tatlong taon ng pagpaplano, pagba-budget, at pagsunod sa mga kinakailangang regulasyon.
Sa mensahe ni Mayor Elen Nieto, ipinahayag niya ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng tumulong sa katuparan ng proyekto, lalo na kay Gov. Nina Ynares na dumalo at nakiisa sa mahalagang okasyong ito.
“Sa wakas, bukas na ang ating Blood Bank. Kasama ng Rizal Provincial Hospital, handa na tayong tumugon sa blood requests ng mga Cainteño at Rizaleño,” pahayag ni Mayor Nieto.
Ang Blood Bank ay pinakabagong serbisyo ng ospital, na layuning magbigay ng libreng dugo sa mga pasyente. Simula bukas, magbubukas na ito para sa mga nais mag-donate, at sa mga susunod na linggo ay makikipagtulungan sa iba’t ibang grupo para sa bloodletting activities.
Lubos ding pinasalamatan ni Mayor Nieto sina Dr. Antonio Jayson Sierra, DOH Region IV-A, Philippine Blood Center, Dr. Edgardo Gonzaga, at ang dedikadong Blood Bank staff na naging katuwang sa proyektong ito.
“Ang proyektong ito ay hindi lamang pasilidad, kundi simbolo ng malasakit at buhay na maiaalay natin sa ating kapwa,” dagdag pa ni Nieto.
Asahan ang mas mabilis at mas abot-kayang serbisyong medikal sa Cainta — dahil dito, ang bawat patak ng dugo ay patak ng pag-asa.
More Stories
YouTuber Vitaly Zdorovetskiy nakapagpiyansa, ibinalik sa BI Holding Facility
‘LAGAYAN’ SCHEME SA AIRPORT POLICE DEPARTMENT IIMBESTIGAHAN – GM INES
Libreng serbisyong medikal sa loob ng paaralan, inilunsad sa ilalim ng CLASS+ Program