
Agad na nagpatawag ng emergency meeting ang National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC) ngayong araw sa pamamagitan ng video teleconferencing kasama ang mga regional office ng Office of Civil Defense (OCD) sa NCR, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.
Ang pagpupulong ay bilang tugon sa kautusan ni Defense Secretary at NDRRMC Chairman Gilberto C. Teodoro Jr. kaugnay ng lindol na yumanig malapit sa Quezon province ngayong tanghali.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang lindol ay orihinal na naitala sa lakas na magnitude 5.1 bandang 12:17 ng tanghali, ngunit kalauna’y kinorekta sa magnitude 4.6. Ang sentro ng lindol ay tinatayang nasa 24 kilometro hilaga-hilagang kanluran ng General Nakar, Quezon, at may lalim na anim na kilometro. Tectonic ang pinagmulan ng lindol.
Narito ang ulat sa lakas ng pagyanig sa ilang lugar:
- Intensity I: Olongapo City, Dingalan sa Aurora
- Intensity II: Angat, Calumpit, Bulakan, Norzagaray, San Jose del Monte at San Ildefonso sa Bulacan; Las Piñas, Parañaque, Taguig, Mandaluyong
- Intensity III: Pandi, Pulilan, Malolos, DRT sa Bulacan; San Fernando, Pampanga; Caloocan, Malabon, Makati, Quezon City, Navotas
- Intensity IV: Lungsod ng Maynila, Pasay, at Marikina
Sa ngayon, wala pang naiulat na pinsala sa mga gusali o imprastruktura. Gayunman, naranasan ang bahagyang pagyanig sa mga nabanggit na lugar, partikular na mas malakas sa Maynila, Pasay, at Marikina.
Ayon kay OCD Administrator at NDRRMC Executive Director Usec. Ariel F. Nepomuceno, patuloy ang ginagawang assessment sa kalagayan ng mga kritikal na imprastruktura gaya ng IPO at Angat Dam sa Region III. Nagsasagawa rin ng masusing monitoring para sa posibleng aftershocks at iba pang epekto.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling kalmado, maging mapagmatyag, at sundin ang mga opisyal na abiso. May nakatakdang follow-up update sa ganap na alas-3 ng hapon ngayong araw.
Bantayan ang susunod na ulat para sa karagdagang impormasyon.
