May 29, 2025

DA: Ibalik ang Kapangyarihan ng NFA sa Pagkontrol ng Presyo ng Palay

MAYNILA — Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) na ibalik ang regulatory powers ng National Food Authority (NFA) upang mapanatili ang tamang floor price ng palay at maprotektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa mapagsamantalang traders.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang mga legal na paraan upang maisakatuparan ang floor price sa ilalim ng Price Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Law, at iba pang batas na may kaugnayan dito.

“Seriously na pinag-aaralan natin ‘yan sa DA, at naghahanap kami ng legal avenues para ma-implement ito kung posible,” pahayag ni Tiu Laurel sa isang ambush interview.

Paliwanag ng kalihim, ang pagbabalik ng kapangyarihang regulatori ng NFA ay makakatulong upang mamonitor ang mga magsasaka at traders sa buong bansa, at matigil ang aniya’y “cat-and-mouse game” ng mga hindi rehistradong negosyante.

“Kailangan ding lahat ng retailers at traders ay by law mag-register sa NFA para makontrol lahat sila. Sa ngayon, bulag ang NFA kung sino-sino ang mga ito,” aniya.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi na obligadong magparehistro ang mga grain traders sa NFA, dahilan upang mawalan ng sapat na impormasyon ang gobyerno kaugnay sa galaw ng kalakalan sa bigas.

Dagdag pa ni Tiu Laurel, kung maibabalik ang dating kapangyarihan ng NFA, maaari rin itong makibahagi sa lokal na bentahan ng bigas bilang market intervention, upang mapigilan ang pagtaas ng presyo sa merkado at protektahan ang mga mamimili.

Sa ngayon, limitado na lamang sa palay procurement at buffer stocking ang tungkulin ng NFA. Pinapayagan lamang itong maglabas ng lumang stock kapag may food security emergency, auction, o sa ilalim ng programang “Benteng Bigas Meron Na” kung saan ibinebenta ang bigas sa halagang P20 kada kilo para sa mga mahihirap.

Nilinaw ng DA na ang itatakdang floor price ay dapat sumasapat upang matakpan ang gastos sa produksyon ng mga magsasaka, na madalas na nawawalan ng kita tuwing bumabagsak ang presyo ng palay sa merkado.

Sa harap ng mga pagsubok sa sektor ng agrikultura, iginiit ng DA na ang pagbabalik ng ganap na kapangyarihan sa NFA ay hindi lamang hakbang para sa price control, kundi panangga rin laban sa pandaraya, pagsasamantala, at gutom.

Patuloy namang nananawagan ang kagawaran sa Kongreso na pag-aralan ang posibilidad ng pag-amyenda sa batas upang bigyang kapangyarihan muli ang NFA sa ganitong mga layunin.