May 28, 2025

TRAYDOR NA SAKSAK SA LABAS NG VIDEOKE BAR, SUSPEK ARESTADO SA MUNTINLUPA

MUNTINLUPA CITY — Agad na inaresto ng mga pulis ang isang lalaking suspek sa pananaksak matapos ang isang mainit na komprontasyon sa labas ng videoke bar sa Barangay Alabang noong madaling araw ng Mayo 24, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Negro,” 41-anyos at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ayon sa ulat, bandang alas-6 ng umaga, agad rumesponde ang mga tauhan ng Alabang Police Sub-Station sa pamumuno ni PLT Adam Realco sa ilalim ng superbisyon ni PCOL Robert C. Domingo, hepe ng pulisya sa lungsod ng Muntinlupa, matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned na testigo.

Naganap ang insidente sa harap ng Rubie Touch Videoke Bar sa Viaduct Alabang. Ayon sa mga awtoridad, nauwi sa pananaksak ang pagtatalo ng suspek at ng biktimang si alyas “Geomar,” 28-anyos na tricycle driver. Gamit ang isang foldable knife, tinarakan ni Negro si Geomar sa gitna ng alitan.

Si alyas “Katrina,” isang saksi, ang agad na tumawag sa mga pulis na siyang naging susi para mahuli agad ang suspek sa mismong pinangyarihan ng krimen.

Agad dinala ang biktima sa Ospital ng Muntinlupa at kasalukuyang binabantayan ng Dr. Newel Maquiran para sa medikal na obserbasyon. Dinala naman ang suspek sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Muntinlupa Police bandang 9:30 AM para sa dokumentasyon at paghahain ng karampatang kaso.

Pinuri naman ni PBGEN Joseph R. Arguelles, Acting District Director ng Southern Police District, ang mabilis na aksyon ng Muntinlupa PNP.

“Ang ganitong uri ng maagap at organisadong pagtugon mula sa ating kapulisan ay patunay ng kahandaan sa serbisyo. Agad nilang narespondehan ang insidente, naaresto ang suspek, at naipakita ang tunay na layunin ng pulisya: ang maglingkod at magprotekta,” ani Arguelles.

Patuloy na nananawagan ang Southern Police District sa publiko na makipagtulungan sa awtoridad at agad i-report ang anumang aktibidad ng kriminalidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad.