May 29, 2025

Co-Accused ni Harry Roque, Nasakote sa Entrapment Operation ng CIDG

MANILA — Timbog sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Mabalacat City, Pampanga ang isa sa mga co-accused ni dating presidential spokesperson Harry Roque at Cassandra Ong kaugnay ng kasong qualified trafficking in persons.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Marlon,” na naaresto noong Mayo 22 sa Barangay Tabun, ayon sa pahayag ng CIDG nitong Linggo ng gabi. Si Marlon umano ang operations officer ng security agency na konektado sa mga ilegal na gawain ng Lucky South 99 Outsourcing Inc., isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga.

Batay sa CIDG, si Marlon ay may hiwalay pang warrant of arrest para sa sampung bilang ng qualified trafficking in persons, na inisyu ng Regional Trial Court Branch 118 sa Angeles City, kung saan walang piyansa ang inirekomenda.

“This underscores our unrelenting effort in pursuing and putting behind bars wanted persons and fugitives with the end goal of helping the victims attain the justice they deserved. This is the 1st of the 51,” pahayag ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III.

Dagdag pa ni Torre, nananawagan siya sa iba pang 50 co-accused na kusang sumuko, dahil tuloy-tuloy ang operasyon ng kanilang tracker teams para tugisin ang mga ito.

Ang kasong ito ay konektado sa umano’y human trafficking activities sa loob ng POGO hub na Lucky South 99, kung saan kabilang sa mga pinangalanang akusado sina Roque at Ong.

Mariing itinanggi ni Roque ang mga paratang, iginiit niyang hindi siya kailanman naging legal counsel ng Lucky South 99 o anumang ilegal na POGO. Aniya, sinamahan lamang daw niya si Ong sa isang pagpupulong dahil akala niya ito ay biktima ng estafa.

Sa kasalukuyan, humihingi ng asylum si Roque sa Netherlands habang may umiiral na warrant of arrest laban sa kanya sa Pilipinas.

Patuloy ang imbestigasyon at operasyon ng CIDG upang mahuli ang iba pang sangkot sa kontrobersyal na kaso ng human trafficking na kinasasangkutan ng dating opisyal ng Palasyo.