May 26, 2025

Tulak, isinelda sa P340K shabu sa Valenzuela

BAGSAK sa kulungan ang isang drug suspect na itinuturing bilang high-value individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu nang matiklo sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.


Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, OIC Chief ng Valenzuela police ang suspek na si alyas “Mac Mac”, 26, ng Brgy. Canumay West.


Ayon kay Col. Arnedo, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng suspek.


Dakong alas-4:30 ng madaling araw nang arestuhin ng mga operatiba ng SDEU ang suspek sa Plastic City Avenue, Brgy. Veinte Reales, matapos bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.


Nakumpiska sa suspek ang nasa P50 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000, coin purse, P200 cash at buy bust money binubuo ng isang tunay na P500 bill at walong P1,000 boodle money.


Kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa ng pulisya kontra sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.