May 25, 2025

PCSO, ISA SA MGA UNANG AHENSYA NG GOBYERNO NA NAGHATID NG TULONG SA MGA BINAHANG KOMUNIDAD SA MAGUINDANAO

Namahagi ng food packs ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pamamagitan ng kanilang Authorized Agent Corporation – 5A Royal Gaming OPC sa mga biktima ng pagbaha sa evacuation center sa Datu Piang, Maguindanao del Sur. Ang relief operation ay isinagawa katuwang ang PNP at lokal na pamahalaan ng Datu Piang.

Agad na tumugon ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maghatid ng agarang tulong sa libu-libong residente na apektado ng matinding pagbaha sa Maguindanao del Sur.

Isa ang PCSO sa mga kauna-unahang ahensya ng pamahalaan na nagsagawa ng relief operations ngayong araw, kung saan 1,000 food packs ang naipamahagi sa mga evacuees sa bayan ng Datu Piang — isa sa mga pinakaapektadong lugar ng kalamidad.

Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, kaagad nilang inatasan ang kanilang Authorized Agent Corporation (AAC) — ang 5A Royal Gaming OPC sa Maguindanao del Sur — upang manguna sa distribusyon ng mga food packs na naglalaman ng 5 kilong bigas, de-lata, instant noodles, at inuming tubig.

Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng PNP at lokal na pamahalaan ng Datu Piang.

Dagdag pa ni GM Robles, 2,500 Charitimba relief bags pa ang nakatakdang i-airlift bukas upang madagdagan ang tulong sa mga apektadong residente.

“Hindi kami titigil hangga’t hindi nasisiguro na lahat ng biktima ng pagbaha ay nabibigyan ng kinakailangang pagkain at tulong-medikal,” pahayag ni Robles.

Idineklara nang state of calamity ang Datu Piang matapos ang walang humpay na pag-ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nagdulot ng malawakang pagbaha sa bayan.

Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Datu Piang, tinatayang halos 8,000 pamilya mula sa 16 na barangay ang naapektuhan.

Samantala, iniulat naman ni Cyrus Urbano, DRRM officer ng Koronadal City, na dalawa ang nasawi matapos tangayin ng rumaragasang tubig habang tumatawid sa ilog sa Barangay Cacub. Kinilala ang mga biktima na sina Christian Pederiso, 28-anyos na delivery rider, at Jessa Mae Huesca, 24-anyos na guro. Natagpuan ang kanilang mga bangkay ilang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan.

Patuloy ang isinasagawang rescue at relief efforts ng iba’t ibang ahensya upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.