May 25, 2025

2 NOTORYUS NA GUN-RUNNERS TIMBOG SA ENTRAPMENT OPERATION SA CALOOCAN

DALAWANG umano’y notoryus na miyembro ng criminal gang na sangkot sa pagbebenta ng baril ang arestado sa ikinasang entrapment operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Public Information Office (PIO) chief P/Lt Marcelina Pino, nakipag-transaksiyon ang isang intelligence officer ng pulisya kina alyas “Hunasan”, 34, at alyas “Ate”, 41, sa Barangay 176, Bagong Silang na nagkunwaring bibilhin ang ibinebentang revolver ng dalawa.

Nang tanggapin ang P2,500 marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng kalibre .38 gold plated na revolver na kargado ng tatlong bala, kaagad pinosasan ng mga tauhan ni NPD Director P/BGen. Josefino Ligan ang mga suspek dakong alas-9:00 ng gabi.

Si alyas Hunasan ang nag-abot ng ibinentang armas habang si alyas Ate naman ang tumanggap ng marked money.

Iprisinta na ng mga pulis ang dalawa sa Caloocan City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay sa kakaharapin nilang kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act.