May 25, 2025

TRICYCLE DRIVER UTAS, SIKLISTA SUGATAN SA SAGASA NG DAMBUHALANG TRUCK

PATAY ang 61-anyos na tricycle driver habang sugatan naman ang isang siklista nang sagasaan ang mga ito ng isang dambuhalang truck sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle at tinatahak ang kahabaan ng C3 Road habang nakasunod sa kanyang likuran ang isang truck na minamaneho naman ng 35-anyos na lalaki.

Pagsapit sa harap ng Lazada Hub sa Barangay 22, nang biglang salpukin ng kanang bahagi ng truck ang tricycle na minamaneho ng biktima dakong alas-5:35 ng madaling araw.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima habang nakaladkad naman ng ilang metro ang tricycle hanggang ma-sideswipe nito ang nasa unahan niyang bisikleta na minamaneho ng 54-anyos na lalaki .

Matapos ang insidente, mabilis na isinugod ang tricycle driver sa Tondo Medical Center subalit, hindi na ito umanot ng buhay sanhi ng tinamong pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan.

Tinakbo naman ang siklista sa Caloocan City Medical Center kung saan ito patuloy na ginagamot habang naaresto ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 1 ang driver ng naturang truck na mahaharap sa kaukulang kaso.

“This arrest highlights the swift action of our personnel. Proactive measures like this are essential in preserving peace and order,” ani P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District.