
DASMARIÑAS CITY, CAVITE — Arestado ang dalawang high value individuals at isang street level drug suspect sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 21, sa Barangay Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Mae,” 26 taong gulang; alyas “Errol,” 34 taong gulang; at alyas “Caerar,” 34 taong gulang, residente rin ng lungsod.
Ang operasyon ay isinagawa ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Cavite Provincial Police Office, katuwang ang Regional Intelligence Division Special Team ng PRO 4A at Dasmariñas Component City Police Station.
Nasamsam mula sa mga suspek ang apat na piraso ng heat-sealed sachets ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 70 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P476,000. Nakumpiska rin ang isang caliber .22 na baril na may lamang mga bala, at ang ginamit na buy-bust money.
Ayon kay PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO CALABARZON, sasampahan ang tatlong suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay sa umiiral na gun ban.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang kasabwat ang mga suspek at kung kabilang sila sa mas malawak na grupo ng ilegal na droga sa rehiyon. (KOI HIPOLITO/ERICHH ABRENICA)
More Stories
BuCor Chief Catapang Isinusulong ang Eco-Tourism sa mga Piitan
EX-KONSEHAL, HULI SA NAIA (Kasabwat sa kidnap-for-ransom)
MEKANIKONG ARMADO, ARESTADO SA KALYE SA MALABON