May 22, 2025

MEKANIKONG ARMADO, ARESTADO SA KALYE SA MALABON

MALABON CITY — Arestado ang isang 41-anyos na mekaniko matapos maaktuhang naglalakad sa lansangan habang may dalang kalibre .38 revolver sa Brgy. Panghulo, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Mark,” residente ng Templora Street, Brgy. Santolan, Malabon. Kakaharapin niya ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay ng Omnibus Election Code (BP 881), ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan.

Sa ulat ni Col. Baybayan kay Northern Police District Director P/BGen. Josefino Ligan, nakatanggap ng tawag ang Malabon Police Sub-Station hinggil sa isang kahina-hinalang lalaki na pagala-gala sa Rodriguez Street habang may dalang baril.

Rumesponde sina PSSg Paulino Tarrayo at Pat Jeffrey Mendoza, at naabutan si Mark na naglalakad habang hawak ang nasabing baril. Agad siyang nilapitan at inaresto ng mga operatiba dakong 12:40 ng hatinggabi.

Nang hingan ng mga dokumento, walang naipakitang lisensya ang suspek para sa bitbit niyang baril na kargado ng isang bala.

“Hindi puwedeng basta-basta ang armas lalo na ngayong may umiiral na election gun ban,” giit ng pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon habang naka-detine na ang suspek at inaasahang haharap sa korte sa mga susunod na araw.