May 23, 2025

MILK BANK AT DIALYSIS PARA SA MGA BATA, BINIDA NG MANDALUYONG CITY

MANDALUYONG CITY — Sa pagdiriwang ng Safe Motherhood Week, buong pagmamalaking ipinakita ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong nitong Lunes, Mayo 19, ang kanilang Human Milk Bank at Pediatric Hemodialysis Unit na itinayo sa Mandaluyong City Medical Center (MCMC).

Ayon sa City Health Department (CHD), dahil sa pagkakatatag ng naturang milk bank, opisyal nang kinilala ng Department of Health (DOH) ang MCMC bilang Mother-Baby Friendly Health Facility — isa sa iilan sa buong bansa!

Isa rin ang ospital sa mga nangunguna sa kampanya ng tamang pagpapasuso at pagtutol sa paggamit ng formula milk at pacifier, maliban na lang kung ito’y lubhang kinakailangan.

“Ang gatas ni nanay ang pinakamabisang panlaban sa sakit para kay baby,” giit ng CHD.

Sa kanyang mensahe, nanawagan si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos sa publiko na suportahan ang ligtas at malusog na pagbubuntis, at tiniyak na walang ina at anak ang maiiwan pagdating sa serbisyong medikal sa lungsod.

“Responsibilidad natin na tiyakin ang kalusugan ng mga ina at sanggol. Hindi ito pangarap lang — ginagawa natin itong realidad,” wika ng alkalde.

Hindi lang yan! Ipinagmamalaki rin ng lungsod ang bagong Pediatric Hemodialysis Unit, isa sa anim na DOH-accredited sa buong bansa.

Ang serbisyong ito ay hiwalay sa dialysis ng matatanda, at child-friendly ang disenyo ng pasilidad upang mabawasan ang takot ng mga batang pasyente.

“Mga batang may Acute Kidney Infection (AKI) dulot ng leptospirosis, dengue, sepsis, o sobra sa gamot — sila ang pangunahing tinutulungan dito,” ayon sa city government.

Ginugunita taon-taon ang Safe Motherhood Week tuwing ikalawang linggo ng Mayo. Layunin nitong itaas ang kamalayan sa kalusugan ng mga ina at sanggol, at hikayatin ang mga ligtas na pamamaraan ng pangangalaga sa pagbubuntis at panganganak.

Sa Mandaluyong, hindi ka lang basta pasyente — pamilya ka!