May 22, 2025

EKSKLUSIBO: Jonvic Remulla Maghahain ng Courtesy Resignation Ngayong Araw; Cabinet Shake-Up Kasunod ng Utos ni Marcos

MANILA — Kumpirmado: Maghahain ng kanyang courtesy resignation si Interior Secretary Jonvic Remulla ngayong araw, kasunod ng direktang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng miyembro ng Gabinete na magbitiw upang bigyang daan ang “recalibration” ng administrasyon matapos ang midterm elections.

“I will submit mine later. I serve at the pleasure of the President,” sa text message ni Remulla sa Inquirer, na umupo bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng Palasyo upang linisin, ayusin, at patindihin ang pagtutok ng gobyerno sa mga pangunahing pangangailangan ng publiko, matapos ang pagkabigo ng ilang kaalyado ni Marcos sa nakaraang halalan.

Marcos: “Hindi ito business as usual”

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Pangulong Marcos na “ang taongbayan ay sawa na sa pulitika at naghahangad na ng resulta.” Ani niya, kailangang iayon muli ang pamahalaan sa mga inaasahan ng taumbayan.

“The people have spoken, and they expect results—not politics, not excuses. We hear them, and we will act,” ani Marcos.

Dagdag ng Malacañang, ang kahilingan para sa courtesy resignations ay hindi laban sa mga personalidad kundi ukol sa performance, alignment, at urgency.

“Those who have delivered and continue to deliver will be recognized. But we cannot afford to be complacent. The time for comfort zones is over,” giit ng Pangulo.

Tiniyak ng Palasyo na mananatiling tuloy-tuloy ang serbisyo ng pamahalaan kahit may transition sa liderato. Ayon sa kanila, ito ay bahagi ng pagtutok sa “renewed alignment, faster execution, and a results-first mindset.”

“With this bold reset, the Marcos administration signals a new phase—sharper, faster, and fully focused on the people’s most pressing needs,” saad ng opisyal na pahayag.

Sa kanyang unang podcast episode nitong Mayo 19, ibinunyag ni Marcos na kasalukuyang isinasagawa ang Cabinet-wide performance review, kung saan posibleng mas marami pang opisyal ang masibak sa puwesto.

“Baka mangyari ‘yan… Iyon ang warning ko sa kanila,” aniya.

Dagdag pa ng Pangulo, ang review ay hindi lamang upang makita ang kulang sa serbisyo kundi pati ang mga sangkot sa katiwalian.

“Kung talagang may nagkukulang o corrupt… eh kasuhan na namin,” babala ni Marcos.

Ang malawakang hakbang ng Pangulo ay kasunod ng lumalakas na panawagan mula sa publiko na panagutin ang mga tiwaling opisyal.

Ilan sa mga kritiko ng administrasyon ay nagsabing naging masyado umanong maluwag ang pamahalaan sa pananagutan.

Habang hindi pa malinaw kung sino-sino ang mapapanatili o tuluyang palalayasin sa Gabinete, malinaw na ang mensahe ni Marcos: Walang puwang sa kasalukuyang administrasyon ang mabagal, hindi aligned, o tiwaling opisyal.