June 10, 2025

10-TAONG GULANG NA BATA, PATAY SA TULI

Screengrab from GMA 24 Oras

TONDO, MANILA – Isang araw lang matapos ipa-tuli, luha at kabaong na ang inuwian ng batang si Nathan, 10 anyos, matapos itong bawian ng buhay habang nasa isang lying-in clinic sa Balut, Tondo.

Ayon sa ulat, lumalabas na isang lalaki na nagpakilalang doktor ang nagsagawa ng tuli. Ngunit habang ginagawa ang procedure, nagsimulang mangisay si Nathan — hanggang sa tuluyang mawalan ng buhay.

“Hinatid ko siya nang malakas. Tapos ganito? Kompleto na gamit niya pang-eskwela, Sir,” umiiyak na pahayag ng kanyang ina, si Marjorie San Agustin.

Ayon kay Marjorie, bandang alas-dos ng hapon noong Sabado, Mayo 17, nila dinala ang bata sa klinika para magpatuli. Sinabi ng staff na binigyan si Nathan ng 20cc ng anesthesia, pero ilang saglit matapos ang iniksyon, hindi na raw ito humihinga nang maayos.

Hindi na naisalba pa ang buhay ng bata, na tila handang-handa na para sa pagbabalik-eskwela, ngunit hindi na makakabalik kailanman.

Tanong ng publiko: Sino ang misteryosong “doktor”? Lisensyado ba ito? At bakit walang agarang medical response nang nagsimulang mangisay ang bata?

Patong-patong na kaso ang maaaring kaharapin ng sinasabing doktor at ng lying-in clinic — mula sa reckless imprudence resulting in homicide hanggang sa illegal medical practice, kung mapapatunayang walang sapat na kwalipikasyon ang nagsagawa ng tuli.