May 21, 2025

P20/KILO BIGAS, PALAWAKIN NA? 60 MILYONG PINOY POSIBLENG MAKINABANG – DA

MANILA — Isang malaking balitang pang-masa ang inilatag ng Department of Agriculture (DA) matapos amining pinag-aaralan na nila ang posibilidad na palawakin ang bentahan ng P20/kilo na bigas — hindi na lang para sa 4Ps, senior citizens, PWDs, at solo parents kundi pati na rin sa mas malawak na hanay ng mahihirap!

Ayon kay Agriculture spokesperson Asec. Arnel de Mesa, ang susunod na target ay mga low at lower-middle income families na nasa labas na ng tinatawag na “vulnerable sector.”

“Ang priority natin ngayon, unang makinabang outside the vulnerable sector — yung susunod na mahirap,” diin ni De Mesa.

“Mga 15 million households ‘yan o katumbas ng halos 60 million Filipinos. Eh kalahati na ‘yan ng buong populasyon ng bansa!”

Pero hindi ganun kadali ang plano. Aminado ang DA na maraming konsiderasyon ang dapat timbangin gaya ng suplay, logistics, at epekto sa industriya ng bigas at ekonomiya.

“Ang next phase natin — Mindanao. Kasama diyan ang Zamboanga, Bangsamoro region, at iba pang lugar na maraming rehistradong mahihirap,” dagdag pa ni De Mesa.

Samantala, hindi naman natuwa ang Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRECON). Ayon sa kanila, suportado nila ang bentahan ng murang bigas sa mga tunay na nangangailangan — pero wag daw sanang isama ang lahat.

“Kung ibebenta sa lahat, yari ang mga retailer. Di kami kayang makipagsabayan sa P20 bigas,” ayon kay Orly Manuntag, tagapagsalita ng grupo.

“Malaki ang magiging epekto nito sa rice industry at sa kabuuang ekonomiya.”

Abangan kung matutuloy ang planong ito ng DA — at kung sino-sino nga ba talaga ang makikinabang sa murang bigas.