May 21, 2025

NCAP BINALIK NG KORTE SUPREMA, MMDA TODO-SUPORTA

Balik-operasyon na naman ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) matapos i-lift ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) na pansamantalang huminto sa naturang sistema.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), malaking ginhawa raw ito sa pagsasaayos ng trapiko, lalo na’t nakaambang simulan ang malawakang rehabilitasyon sa EDSA.

“Sa pagbabalik ng NCAP, umaasa kaming mas lalong mapapatibay ang disiplina sa kalsada,” ayon sa pahayag ng MMDA. Tiniyak din ng ahensya na naayos na ang mga butas sa patakaran na una nang inireklamo ng publiko.

Ang NCAP ay unang ipinatupad noong 2016 ng MMDA katuwang ang limang lungsod sa Metro Manila—Maynila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, at Parañaque. Layunin nitong hulihin ang mga pasaway sa kalsada gamit lamang ang CCTV at iba pang teknolohiya—walang huli-huli sa kalsada, pero may ticket ka na sa bahay!

Ngunit hindi lahat masaya. Mariing kinuwestyon ng mga transport group ang legalidad ng NCAP, sinabing wala itong sapat na batayan sa batas tulad ng RA 7924 (charter ng MMDA) at RA 4136 (Land Transportation Code).

DAING NG TRANSPORT GROUPS:

  • Bakit ang may-ari ng sasakyan ang sinisingil, kahit hindi siya ang driver?
  • Nasaan ang due process?
  • Paano kung hindi pa naipapasa ang sasakyan pero may NCAP violation na?

SOLUSYON O DAGDAG PABIGAT?

Ayon sa MMDA, hindi na bago ang teknolohiyang ito sa traffic enforcement. Ang balik-NCAP ay gagamit ng CCTV, digital cameras, at iba pang gadgets para ma-monitor ang mga violators sa EDSA, C5, at iba pang pangunahing kalsada.

Kamakailan lang, naghain ng Motion for Reconsideration ang MMDA sa Korte Suprema sa tulong ng Office of the Solicitor General para tuluyang ibasura ang TRO—at ngayon ay tagumpay na nga sila.

“Panalo ang disiplina, talo ang pasaway,” ayon sa MMDA.
Pero para sa mga driver, panibagong pasanin ito.

ABANGAN:

Sino ang susunod na mamemeligrong ‘mahulihan’… kahit nasa bahay lang?
At totoo nga bang disiplina ang dulot, o kita lang sa multa?