May 19, 2025

PBBM, BUKAS MAKIPAG-AYOS SA MGA DUTERTE

Photo Courtesy: Reuters

MANILA — Sa gitna ng matinding iringan at kontrobersiya, nagpaabot ng mensahe ng pagkakaisa si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamilya Duterte — at sinabing bukas siya sa pagkakasundo.

Sa kauna-unahang episode ng kanyang podcast, tahasang sinabi ni Marcos Jr. na handa siyang makipag-ayos sa pamilya ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Oo. Ayoko ng gulo. Gusto ko makasundo sa lahat ng tao… Hindi ko kailangan ng kaaway, kailangan ko kaibigan,” wika ni Marcos Jr.

Bagama’t hindi pa malinaw kung may pag-uusap na nagaganap sa pagitan ng dalawang kampo, binigyang-diin ni BBM ang kahalagahan ng stabilidad at katahimikan para maituloy ang trabaho ng pamahalaan.

“Kahit hindi tayo magkasundo sa polisiya… tanggalin natin ang gulo. Halika, magtulungan tayo,” dagdag niya.

Nag-ugat ang lamat sa relasyon ng dalawang pamilya noong 2024 matapos akusahan ni ex-Pres. Duterte at Davao Mayor Baste Duterte si Marcos Jr. bilang mahinang lider at umano’y lulong sa droga.

Sumunod ang pagbitiw ni VP Sara Duterte sa Gabinete ni BBM at ang tuluyang paglalantad ng mga alegasyon laban sa kanyang dating running mate.

Lalo pang lumalim ang alitan nang imbestigahan ng Kamara, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez (pinsan ni Marcos Jr.), ang mga confidential funds ng OVP, na nauwi sa impeachment ni VP Sara.

At nitong Marso 2025, kumulo lalo ang tensyon matapos payagan ng administrasyon ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ipadala sa Netherlands para harapin ang kasong crimes against humanity sa ICC.

Mariing isinusumbat ni VP Sara ang nasabing hakbang kay BBM, giit niyang walang legal na basehan ang pag-aresto dahil umatras na ang bansa sa Rome Statute noon pang 2019.

Sa harap ng lumalalang pulitikang banggaan, tanong ng taumbayan: Makikipagkamay ba ang mga Duterte kay BBM — o mas pipiliing lumaban hanggang dulo?