May 20, 2025

“GRABE NA ‘TO! COMELEC, INAALMAHAN NG DUTERTE YOUTH”

Photo Courtesy: RAPPLER

Maynila — Mariing kinondena ng Duterte Youth Party-list ang naging hakbang ng Commission on Elections (COMELEC) na pansamantalang ipagpaliban ang proklamasyon ng kanilang tatlong nahalal na kinatawan sa Kamara, at nagpahayag ng planong magsampa ng kaso sa Korte Suprema laban sa umano’y “Grave Abuse of Discretion” ng ahensya.

Ayon sa opisyal na pahayag ng partido, ilang oras bago ang nakatakdang proklamasyon ng lahat ng mga Party-list Representatives ngayong araw, ipinabatid ng COMELEC sa Duterte Youth na ipagpapaliban muna ang proklamasyon ng tatlong bagong halal na kongresista ng grupo.

Ang mga kinilalang Congressman-Elect ay sina:

  • Drixie Cardema, 28 taong gulang, military reservist at Vice-Chairperson ng House Committee on National Defense and Security;
  • Berlin Lingwa, 26 taong gulang mula sa Philippine National Police Academy (PNPA);
  • Ron Bawalan, 26 taong gulang mula sa Philippine Military Academy (PMA).

Ayon sa Duterte Youth, mahigit 2.3 milyong boto ang kanilang nakuha mula sa mamamayang Pilipino, at inaasahan sana nilang magiging pinakabatang set ng mga kongresista sa kasaysayan ng bansa.

Ipinahayag ng COMELEC na ang pagpapaliban ay bunsod ng “seryosong alegasyon” kaugnay sa kasong isinampa ng Kabataan Party-list noong 2019, na ngayon ay muling binubuhay. Giit ng Duterte Youth, ang mga naturang alegasyon ay “paulit-ulit at walang basehan,” at minsan nang ibinasura ng Korte Suprema noong 2020.

Mga Alegasyon ng Kabataan Party-list:

  1. Hindi umano rehistrado ang Duterte Youth sa COMELEC;
  2. May kinalaman umano sa “vote-buying”;
  3. Nagsusulong umano ng karahasan dahil sa suporta nito sa AFP at PNP kontra sa NPA.

Mariin itong itinanggi ng grupo at iginiit na “harassment case lamang ito” na layong pigilan ang kanilang adbokasiya.

Cardema: “Tunay na grave abuse ang ginagawa ng COMELEC”

Sa mahabang pahayag ni Party-list Chairman Ronald Cardema, sinabi niyang:

“Kung totoo na seryoso ang kaso, bakit hindi ito dinisisyunan agad matapos ang huling hearing noong 2019 pa? Ngayon pa, sa araw mismo ng proklamasyon ng milyong-milyong Pilipinong bumoto sa amin.”

Binatikos din ng grupo ang umano’y tila pagkiling ng COMELEC sa mga kandidato at partidong may mas malalalim na koneksyon sa politika. Anila, mas dapat na iniimbestigahan ang mga kandidatong may kaso ng plunder, vote-buying, at koneksyon sa terorismo.

Dagdag pa ng pahayag, ang mga kongresista ng Duterte Youth ay mga iskolar ng bayan na galing sa UP, PNPA, at PMA, at hindi daw layunin ng kanilang grupo ang magnakaw ng pondo kundi magsulong ng mga programang makabayan, lalo na para sa kabataan at militar.

“Hayaan ninyong maupo kami. Maging oposisyon kung kinakailangan. Hindi kami rubber stamp. Tututok kami sa kampanya laban sa NPA, plunderers, at mga kontra-gobyerno,” ani Cardema.

Samantala, nananatili pa ring hindi nagbibigay ng karagdagang detalye ang COMELEC kung kailan ipagpapatuloy ang proklamasyon ng naturang mga kinatawan.


Naka-monitor pa rin ang publiko sa mga susunod na hakbang ng Duterte Youth sa Korte Suprema at sa magiging posisyon ng COMELEC sa usapin.