
MAYNILA — Muling ipinagkaloob ng sambayanan ang kanilang tiwala sa Senior Citizens Party-list matapos itong opisyal na maiproklama bilang isa sa mga nanalong kinatawan sa Ika-20 Kongreso ng Pilipinas.
Sa isang opisyal na pahayag, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang grupo sa lahat ng tumangkilik at sumuporta sa kanilang adbokasiya para sa kapakanan ng mga nakatatanda sa buong bansa.
“Sa tulong ninyo, muli naming ipagpapatuloy ang laban para sa karapatan, kapakanan, at dignidad ng ating mga senior citizens,” ayon kay Senior Citizens Partylist Rep. Ompong Ordanes.
Kabilang sa mga pangunahing isinusulong ng grupo ang Expanded Centenarians Act, na layuning palawakin ang benepisyo para sa mga umaabot sa 100 taong gulang, at ang Social Pension Increase Law, na naglalayong itaas ang buwanang pensiyon ng mga indigent senior citizens.
Binigyang-diin din ng Senior Citizens Party-list na patuloy silang magiging tinig ng mga lolo’t lola sa loob ng Kongreso, bitbit ang panawagan para sa isang makatao, makatarungan, at mas pinalakas na serbisyo para sa sektor ng mga nakatatanda.
“Para sa ating mga lolo at lola—kami ang inyong boses. Kami ang inyong kakampi. Kami ang Senior Citizens Party-list,” pagtatapos ng kanilang pahayag.
