
VALENZUELA CITY — Swak sa kulungan ang isang 56-anyos na construction worker matapos mahuling aktong nagbebenta umano ng ilegal na droga sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa ikinasang buy-bust operation ng Valenzuela City Police, gabi ng Mayo 18, 2025.
Sa ulat ni P/Col. Relly Arnedo, Officer-in-Charge ng Valenzuela Police, kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ang suspek sa alyas na “Roberto”, residente ng lungsod.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado, sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Umabot sa ₱7,500 ang halaga ng shabu na ibinenta ng suspek sa undercover na pulis.
Matapos ang kumpirmasyon ng transaksyon bandang alas-9:10 ng gabi sa Daez St., Brgy. Karuhatan, agad na dinakip si “Roberto” ng backup operatives.
Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang 22 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na ₱149,600, P200 cash, at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money.
Ayon kay P/MSgt. Ana Liza Antonio, imbestigador ng SDEU, sinampahan na ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Gen. Ligan ang matagumpay na operasyon ng Valenzuela City Police at binigyang-diin ang kanilang patuloy na kampanya laban sa kalakalan ng iligal na droga para mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lungsod.
More Stories
COMELEC, pormal na idineklara ang 52 panalong party-list sa Halalan 2025
PBBM, BUKAS MAKIPAG-AYOS SA MGA DUTERTE
₱440M CASH, TINANGKANG IPUSLIT! 9 DAYUHAN, PAALISIN SA ‘PINAS