
TANZA, CAVITE — Patay ang isang barangay councilor matapos tambangan at paulanan ng bala ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklong walang plaka, pasado alas-10 ng umaga nitong Lunes, Mayo 19, sa Brgy. Bagtas ng bayang ito.
Kinilala ang biktima na si Christopher Aron, 48 anyos, barangay kagawad at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat mula sa Tanza Municipal Police Station at batay sa nakuhang CCTV footage, minamaneho ni Aron ang kaniyang Toyota Innova nang bigla siyang harangin at pagbabarilin ng mga salarin. Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang mga suspek sa hindi pa matukoy na direksyon.
Agad na naisugod ng kanyang kapatid at mga barangay tanod sa MV Santiago Hospital ang biktima, subalit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at para kilalanin ang mga suspek. (Ulat nina KOI HIPOLITO at ERICHH ABRENICA)
More Stories
COMELEC, pormal na idineklara ang 52 panalong party-list sa Halalan 2025
PBBM, BUKAS MAKIPAG-AYOS SA MGA DUTERTE
₱440M CASH, TINANGKANG IPUSLIT! 9 DAYUHAN, PAALISIN SA ‘PINAS