May 18, 2025

DOST at LGU Cauayan City, Isabela, Pangungunahan ang 3rd International Smart City Exposition sa Mayo 22–24

Cauayan City, Isabela — Magsasama-sama ang mga eksperto, lider ng pamahalaan, akademya, at industriya sa nalalapit na 3rd International Smart City Exposition and Networking Engagement (iSCENE) na gaganapin sa Mayo 22 hanggang 24, 2025, sa Isabela Convention Center sa Cauayan City.

Pinangungunahan ito ng Department of Science and Technology (DOST) katuwang ang local government unit ng Cauayan City at Isabela State University (ISU). Tampok sa nasabing pagtitipon ang tema na “Empowering Smart and Sustainable Communities through Government-Academe-Industry Collaboration.”

Ang Cauayan City, na opisyal na kinilala ng DOST bilang kauna-unahang Smart City sa Pilipinas, ay patuloy na namumukod-tangi sa paggamit ng digital na teknolohiya para sa mas mahusay na serbisyo publiko—kabilang ang libreng WiFi sa lahat ng 65 barangay nito.

Inaasahan sa tatlong-araw na aktibidad ang mga talakayan ukol sa paggamit ng artificial intelligence (AI) para sa disaster management, smart transportation, at pagpapaunlad ng mga komunidad.

Ilan sa mga tampok na highlight ng iSCENE ay ang:

  • Philippine Smart and Sustainable Cities Awards
  • Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) Operations Olympics
  • E-Sports Tournament
  • Hackathon

Bukod dito, may mga eksibit ng AI, robotics, smart agriculture, water management, at startup innovations na layong hikayatin ang teknolohiya para sa posibleng technology transfer at komersyalisasyon.

Layunin din ng kaganapan na palalimin ang ugnayan ng DOST Region 2 sa iba pang ahensya gaya ng:

  • Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Region 2
  • Commission on Higher Education (CHED)
  • Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)
  • Isabela State University (ISU)
  • King Mongkut’s Institute of Technology Ladkrabang (KMITL) ng Thailand
  • at ang Cauayan City LGU

Sa ikatlong taon ng iSCENE, pinatitibay nito ang layunin ng DOST na isulong ang Smarter Philippines sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mamamayan at internasyunal na kooperasyon.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisyal na Facebook page ng iSCENE: https://www.facebook.com/iSCENE.PH