May 17, 2025

PCSO, MATAGUMPAY NA NAGSAGAWA NG AGENT’S SUMMIT

MAYNILA, Pilipinas — Sa temang “Beyond the Jackpot: A Commitment to Responsible Gaming,” matagumpay na isinagawa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang kanilang pinakaabangang Agents’ Summit noong Mayo 13 sa bagong inaugurate na Foro de Intramuros.

Mahigit 460 Lotto agents at 79 Small Town Lottery (STL) agents mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang dumalo sa pagtitipong layuning palakasin ang kampanya laban sa ilegal na sugal at itaguyod ang makatarungan at makataong paglalaro.

Sa kanyang pambungad na talumpati, binigyang-diin ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles ang mahalagang papel ng mga ahente sa pagbibigay proteksyon sa mga manlalaro mula sa mga mapagsamantalang operasyon.

“Bilang ating mga pinahahalagahang ahente, kayo ay hindi lang operators—kayo ay mga tagapagtanggol. Mahalaga ang inyong papel sa pagtataguyod ng responsableng paglalaro at pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad,” ani Robles.

Inilahad rin niya ang mga hakbang ng PCSO tungo sa digital transformation, kabilang ang makabagong remittance systems, pinalakas na cybersecurity, at ang pagsunod sa mga pandaigdigang pamantayan upang lalong mapalakas ang kumpiyansa ng publiko.

“Sa bawat legal na pustang inilalagay sa pamamagitan ng ating mga opisyal na channels, tayo ay nakatutulong sa isang mas mataas na layunin—ang pondohan at iligtas ang mga buhay,” dagdag ni Robles.

Itampok sa summit ang mga kilalang tagapagsalita mula sa iba’t ibang sektor:

  • Police Major General Nicolas D. Torre III (CIDG) – “Beyond Regulation: The Role of Responsible Gaming in Stopping Illegal Gambling
  • Undersecretary Gilbert Cruz (PAOCC) – “Challenges on the Proliferation of Illegal Gambling Activities
  • Ms. Fe Celebrado (PSDD) – “Responsible Gaming Practices: Ensuring Fair Play and Social Responsibility
  • May Cerelles (PCSO ITSD) – “Digital Information of PCSO Lottery
  • Donald Limcaco (DFNN) – “Lottomatik: A New Betting Platform

Nagkaroon ng Q&A session kung saan malayang naipaabot ng mga ahente ang kanilang mga saloobin at mungkahi sa mga pinuno ng PCSO. Nakiisa sa talakayan sina PCSO Chairperson Felix Reyes, GM Robles, P/MGen. Torre III, at Usec. Cruz.

Kasunod nito ay isinagawa ang Panel Discussion at Networking Session, na pinangunahan nina GM Robles, Atty. Lyssa Grace Pagano, at Remeliza Jovita Gabuyo, kung saan tinalakay ang kahalagahan ng inobasyon at kolektibong pagkilos tungo sa responsableng paglalaro.

Mula sa simpleng operator, isinusulong ngayon ng PCSO na ang bawat ahente ay maging champion ng transparency, integridad, at malasakit sa bayan. Ang summit ay hindi lamang pagtitipon kundi isang panawagan para sa mas mataas na antas ng pakikiisa at responsibilidad.

“Hindi lang ito tungkol sa jackpot. Ito ay tungkol sa pagtulong sa kapwa at pagiging katuwang ng gobyerno sa pagpapatatag ng bansang patas at makatao,” saad ng PCSO.

Ang Agents’ Summit ng PCSO ay patunay na ang pagsusugal—kung isinasagawa sa tamang paraan—ay maaaring maging instrumento para sa kabutihan ng marami.