
ROMBLON — Umaalma ngayon ang ilang empleyado matapos umanong magsimula na ang tanggalan ng mga Job Order (JO) at casual personnel sa Kapitolyo, kahit wala pa sa puwesto ang bagong administrasyon.
Sa gitna ng mga espekulasyon, Romblon Governor-elect Trina Firmalo-Fabic ay agad na naglabas ng pahayag upang linawin ang isyu.
“May mga naririnig po tayo tungkol sa tanggalan ng mga job order sa Kapitolyo. Kung totoo man ito, gusto ko pong idiin na wala akong kinalaman d’yan. Hindi pa po ako ang gobernador,” giit ni Firmalo-Fabic.
“Magsisimula pa lamang po ang aking termino sa ganap na 12:00 ng tanghali sa Hunyo 30, 2025.”
Ayon sa kanya, malinaw na ang sinumang desisyon ukol sa pagtanggal ng mga empleyado bago ang Hulyo 1 ay saklaw pa rin ng kasalukuyang pamunuan.
Dagdag pa ni Firmalo-Fabic, ang mga Job Order, casual, at coterminous employees ay awtomatikong matatapos ang kontrata sa June 30, sabay sa pagtatapos ng termino ng kasalukuyang gobernador. Kung may mga kontratang may bisa lagpas Hunyo 30, hindi ito basta-basta maaaring tapusin nang walang masusing pagsusuri.
“May mga kontratang kailangang igalang, lalo na kung may nakasaad na effectivity date pagkatapos ng Hunyo 30. Hindi ito maaaring kanselahin nang basta-basta,” paliwanag pa niya.
Sa huli, nanawagan si Gov.-elect Trina Firmalo-Fabic ng pag-unawa at pasensya habang papalapit ang transisyon ng pamahalaang panlalawigan.
“Sa mga kababayan nating apektado, asahan ninyo na sisikapin natin ang patas, makatao, at maayos na pamamahala sa ilalim ng aking panunungkulan.”
Abangan ang pormal na pag-upo ni Trina Firmalo-Fabic bilang bagong gobernador ng Romblon sa Hunyo 30.
More Stories
LALAKI NA MAY BARIL, NASAKOTE SA GITNA NG GULO SA CALOOCAN
MATIRA MATIBAY! RAIN OR SHINE SASABAK KONTRA PERPEKTONG MAGNOLIA
SARA DUTERTE SA IMPEACHMENT TRIAL: I WANT A BLOODBATH