
BAGUIO CITY — Sa harap ng mga bagong graduates ng Philippine Military Academy (PMA) Siklab-Laya Class of 2025, muling iginiit ni Bise Presidente Sara Duterte ang kahalagahan ng paninindigan sa katotohanan at paglilingkod sa bayan nang may dangal at integridad.
Sa kanyang mensahe nitong Sabado, Mayo 17, hinimok ni Duterte ang mga kadete na huwag magpagamit bilang kasangkapan ng mga nasa kapangyarihan para sa pagmamalabis, pagtataksil, at pang-aapi, lalo na sa mga mahihirap na Pilipino.
“Huwag sana kayong maging kasangkapan ng pagmamalabis, pagtatraydor, at pagpapahirap ng mga nasa kapangyarihan sa mga kapwa Pilipino na katulad ninyo ay matapang na naninindigan para sa kabutihan, sa tama, sa katotohanan,” ani Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, dapat maging halimbawa ng propesyonalismo, katatagan, at paninindigan ang mga nagtapos sa akademya. Binanggit niya ang kahalagahan ng pagiging tapat sa Konstitusyon at pag-iwas sa tukso ng pansariling interes, pulitikal na impluwensya, o dayuhang pakikialam.
“Magsilbi sana kayong haligi ng isang institusyong propesyonal at hindi kinikilingan — isang institusyong nagtatanggol sa Konstitusyon, hindi sa mga pansariling interes,” dagdag pa niya.
Pinuri rin ni Duterte ang kabayanihan, tapang, at pagmamahal sa bayan ng mga bagong opisyal ng militar, at iginiit na sa kanilang serbisyo ay umaasa siyang mas mapapalakas ang pag-asa ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at pagbabago.
Inilarawan ng Bise Presidente ang piniling landas ng mga kadete bilang “buhay na may bukal na paglilingkod” — isang uri ng serbisyo na tanging mga tunay na patriyotiko at may malasakit sa bayan ang makapipili.
“Ito ay patunay ng lakas, dangal, at integridad sa panahong ang bansa ay patuloy na humaharap sa mga institusyonal na pang-aabuso at matitinding pagkakaiba sa estado ng pamumuhay ng mayaman at mahirap,” ani Duterte.
Bilang pagtatapos, pinayuhan niya ang mga graduates na panatilihin ang alab ng kanilang hangarin, at maging ilaw sa gitna ng dilim para sa mga Pilipinong umaasa sa pagbabago.
“Sa bawat pagsubok, panatilihing buhay ang apoy sa inyong puso upang maging tanglaw kayo ng pag-asa at lakas sa ating bansang nangangarap ng mas maliwanag na kinabukasan.”
Ang PMA Siklab-Laya Class of 2025 ay binubuo ng mga kadeteng sinanay sa loob ng apat na taon sa disiplina, serbisyo, at katapatan sa watawat — mga prinsipyong inaasahang dadalhin nila sa pagsabak sa aktwal na tungkulin sa hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
More Stories
LALAKI NA MAY BARIL, NASAKOTE SA GITNA NG GULO SA CALOOCAN
MATIRA MATIBAY! RAIN OR SHINE SASABAK KONTRA PERPEKTONG MAGNOLIA
SARA DUTERTE SA IMPEACHMENT TRIAL: I WANT A BLOODBATH