
ZAMBOANGA CITY — Kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong indibidwal, kabilang ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) at anak ng dating opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor), paiigtingin ng ahensya ang pagpapatupad ng mga patakaran sa paggamit ng mga government quarters sa loob ng mga piitan.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., inatasan na niya si San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) Correctional Superintendent Daisy Sevilla Castillote na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyaking hindi magagamit ang mga government quarters sa anumang iligal na aktibidad.
Ang pahayag ay ginawa matapos madakip ng BuCor security personnel nitong Huwebes sina Minimum Security PDL Jawewe Sakaluran Halil, Louie Ocampo, at asawa nitong si Fatima Madjid, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na droga sa loob ng SRPPF sa Zamboanga.
Batay sa ulat na isinumite kay Catapang, isang intelligence report ang natanggap ng tanggapan ni Castillote mula sa isang confidential informant na nagsabing isang PDL mula sa Minimum Security compound ang magpupunta sa tindahan ng mag-asawang Ocampo na matatagpuan sa Family Shelter, bahagi ng government quarters.
Napag-alaman na si Louie Ocampo ay anak ng dating Corrections Officer Charles Ocampo, na naattrite mula sa serbisyo noong Marso ng nakaraang taon. Wala umanong otorisasyon ang mag-asawa na manirahan sa loob ng prison reservation at nabigyan na sila ng final Notice to Vacate noong Abril 15, ayon kay Castillote.
Dakong alas-8:45 ng umaga, tatlong PDL mula sa Minimum Security ang namataan sa lugar, ngunit dalawa lamang ang nagtungo sa tindahan. Habang iniinspeksyon ni CSO1 Silverio Garcia si PDL Halil sa harap ni Castillote, nahulog ang isang piraso ng brown na tissue paper mula sa kanyang pag-aari na natuklasang may laman na tatlong sachet ng hinihinalang shabu.
Sa pagtatanong, inamin umano ni Halil na binili niya ang droga mula sa tindahan ng mag-asawang Ocampo at Madjid. Agad namang isinagawa ang Galugad operation sa tulong ng K9 unit sa naturang tindahan, kung saan nakumpiska ang apat pang sachet ng hinihinalang shabu, 30 pirasong aluminum foil strips, anim na lighter, tatlong improvised spatula, at isang pack ng transparent plastic.
Ipinaalam agad sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Zamboanga PNP Station 9 ang insidente. Isinuko sa PDEA ang mga nakumpiskang ebidensya para sa pagsusuri, habang dinala naman sa PNP ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.
“Hindi namin kukunsintihin ang sinuman, PDL man o sinumang indibidwal, na magsamantala sa sistema at magdala ng illegal na droga sa loob ng ating mga pasilidad,” giit ni Catapang.
More Stories
LALAKI NA MAY BARIL, NASAKOTE SA GITNA NG GULO SA CALOOCAN
MATIRA MATIBAY! RAIN OR SHINE SASABAK KONTRA PERPEKTONG MAGNOLIA
SARA DUTERTE SA IMPEACHMENT TRIAL: I WANT A BLOODBATH