May 17, 2025

PHLPost, Nais Tulungan ang Kadiwa ng Pangulo sa Logistics at E-Commerce

Inihayag ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang kanilang plano na tulungan ang Kadiwa ng Pangulo sa pag-facilitate ng logistics at e-commerce upang masigurong tuloy-tuloy ang suplay ng mura at sariwang mga produkto para sa mga pamilyang Pilipino.

Ayon kay Postmaster General Luis Carlos sa isang pahayag nitong Biyernes, layunin ng inisyatibang ito na suportahan ang mga lokal na magsasaka habang nagbibigay ng mas murang pagkain sa mga konsumer.

“Hindi lang namin basta ipinapamahagi ang mga produktong agrikultural; pinalalakas namin ang mga magsasaka at tinutulungan ang kapakanan ng ating mga kababayan para mas mapadali at maging sustainable ang kanilang pamumuhay,” ani Carlos.

Dagdag pa niya, gagamitin ng PHLPost ang malawak nitong network sa mga lungsod at mga liblib na lugar upang paglapitin ang mga prodyuser at mamimili.

Bagamat wala pang pormal na kasunduan, handa ang korporasyon na tulungan ang mga prodyuser na direktang maihatid ang kanilang mga produkto sa merkado upang mas tumaas ang kanilang kita.

Tuwing Biyernes, nagtatayo ang PHLPost ng Kadiwa ng Pangulo tent sa Manila Central Post Office Annex II compound sa Liwasang Bonifacio, Maynila, bilang bahagi ng memorandum of understanding na nilagdaan nito kasama ang Department of Agriculture noong Abril.

Kasabay ng inisyatibo ang paglulunsad ng PHP20 Rice Project, na nagbebenta ng dekalidad na bigas sa halagang ₱20 bawat kilo, na naka-target sa mga indigent, senior citizens, solo parents, at persons with disabilities.

Pinapayagan ang mga benepisyaryo na makabili ng hanggang 30 kilo ng bigas kada buwan. Sa tulong ng PHLPost, inaasahang mas magiging maayos ang distribusyon ng Kadiwa ng Pangulo, na magdudulot ng direktang benepisyo sa mga magsasaka at mamimili sa buong bansa.