June 10, 2025

Senior Citizens Party List, Nagpasalamat sa Malawak na Suporta ng mga Botante

Inihayag ng Senior Citizens Party List ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa malawakang suporta ng publiko, volunteers, at lokal na katuwang matapos ang matagumpay na kampanya ngayong halalan.

Ayon kay Rodolfo “Ompong” M. Ordanes, National Chairperson ng Senior Citizens Party List, malaking tulong ang ipinakitang tiwala ng mga mamamayan sa kanilang adbokasiya para sa kapakanan ng mga nakatatanda. “Sa bawat panawagan at programang inialay namin para sa kapakinabangan ng ating mga senior citizens, kayo po ang aming naging katuwang,” ani Ordanes sa isang mensahe ng pasasalamat.

Sa inilabas na pahayag, binigyang-diin ng grupo na ang suporta ng mga volunteers at local partners ang naging inspirasyon sa kanilang pagbibigay-serbisyo, lalo’t hindi madaling makipaglaban para sa karapatan at proteksyon ng mga matatanda. “Ngunit sa tulong ninyo, mas naging matatag ang aming paninindigan at nakapagbigay ng saysay sa aming patuloy na pagseserbisyo,” dagdag pa niya.

Ayon sa Senior Citizens Party List, pangunahin nilang layunin na kilalanin at pahalagahan ang dangal at dignidad ng bawat senior citizen sa pamamagitan ng mga programang pangkalusugan, pangkabuhayan, at pangkawanggawa.

Nagpaabot rin ng paanyaya ang party-list sa publiko na patuloy silang suportahan sa mga panukala at inisyatibang iaalok sa darating na kongreso, partikular sa pagpasa ng batas na magpapaigting sa proteksyon at benepisyo para sa mga senior citizens.

Bilang pagtatapos ng kanilang mensahe, muling pinasalamatan ni Ordanes ang mga botante at katuwang: “Mabuhay po kayo at mabuhay ang mga mahal naming senior citizens!”