May 16, 2025

AMERIKANONG WANTED SA HOMICIDE, ARESTADO SA MACTAN AIRPORT

CEBU CITY — Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang isang Amerikanong wanted sa kasong homicide sa Florida, USA.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhan na si Micah David Bass, 57 anyos, na dumating sa bansa noong Abril 28 sakay ng United Airlines mula Guam. Ayon kay Viado, agad na hinarang si Bass matapos magpositibo ang kanyang pangalan sa derogatory check system ng BI habang sumasailalim sa immigration arrival formalities.

Lumabas na matagal nang nasa watchlist si Bass simula pa noong Marso matapos magbigay abiso ang pamahalaan ng Estados Unidos sa presensya nito sa Pilipinas. Isinampa ng BI ang kasong undesirability laban sa kanya, na naging dahilan ng pagpapalabas ng summary deportation order ng BI Board of Commissioners.

Base sa ulat ng US authorities, si Bass ay may kinakaharap na arrest warrant para sa vehicular homicide mula sa 9th Judicial Circuit Court sa Florida na inilabas noong Marso 3. May record din umano ito ng mga kasong theft, assault, at illegal possession of firearms.

“Siya ay ipade-deport bilang isang undesirable at undocumented alien dahil kasalukuyan nang pinoproseso ng US State Department ang kanselasyon ng kanyang pasaporte,” ayon kay Viado.

Samantala, iniulat din ng BI ang sunod-sunod na pagharang sa dalawang dayuhang sex offenders sa parehong paliparan.

Noong Mayo 8, pinigilan ng mga immigration officer ang pagpasok ni Charles Hinds Jr., 63 anyos, sakay ng Korean Air mula Seoul. Batay sa public records, naharap si Hinds sa kasong unlawful possession of child pornography noong 2002.

Isa pang dayuhan na si Boris Myron Ma, 64 anyos, ay hindi rin pinayagang makapasok noong Mayo 9. Si Ma ay kinasuhan umano sa Cambodia noong 2003 dahil sa sex tourism.

Agad na pinabalik sina Hinds at Ma sa kanilang pinanggalingang bansa at isinama na sa BI blacklist, na nagbabawal sa kanilang muling pagpasok sa Pilipinas.

“Hindi tayo papayag na gawing kanlungan ng mga kriminal ang ating bansa,” diin pa ni Viado.