May 13, 2025

Dating Mayor Joric Gacula, buong pusong tumanggap ng pagkatalo sa halalan

TAYTAY, RIZAL — Matapos ang matinding laban sa lokal na halalan, buong kababaang-loob na tinanggap ni dating Mayor Joric Gacula ang resulta ng eleksyon at nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat sa mga Taytayeño na sumuporta sa kanya at sa kanyang pamilya.

“Mula sa aming buong pamilya—maraming, maraming salamat po,” ani Gacula sa kanyang pahayag, kasunod ng pagkatalo. Aniya, hindi siya nag-iisa sa kampanya kundi kasama ang kanyang pamilya, dala ang layuning maglingkod nang may malasakit at prinsipyo.

Aminado si Gacula na may mga naging pagkukulang at pagkakamali, ngunit iginiit niyang sa bawat hamon ay nanatili silang matatag at totoo.

“Magkakasama tayong humarap—matapang, totoo, at may paninindigan. At para sa amin, iyon ang tunay na tagumpay,” ani niya.Bagamat hindi niya personal na nakamayan ang lahat, ramdam daw niya ang suporta, dasal, at pagmamahal ng kanyang mga kababayan. “Hinding-hindi ko ‘yan malilimutan,” dagdag pa niya.

Tinanggap din niya nang buong puso ang desisyon ng taumbayan at binati ang kanyang mga katunggali. “Igalang natin ang tinig ng bayan—dahil sa dulo, ang mahalaga ay ang kapakanan ng Taytay.”

Binigyang-diin ni Gacula na ang kanyang hangaring maglingkod ay hindi nakatali sa posisyon. “Hindi kailangan ng posisyon para maglingkod,” aniya, sabay paninigurong magpapatuloy pa rin ang kanilang pagtulong at pagdamay sa kapwa Taytayeño.

Sa huli, iniwan niya ang mensahe ng pananampalataya mula sa Banal na Kasulatan: “No matter what you may be facing today, trust in God’s assurance that everything will fall into place in His perfect time.” (Isaias 60:22)

“Kayo ang aming tagumpay,” ani Gacula