May 10, 2025

PASIG SCHOLARSHIP O VOTE-BUYING? Vico Sotto, inireklamo sa Comelec

Isang kasong disqualification ang isinampa ng isang pribadong indibidwal laban kay Pasig City Mayor Vico Sotto sa Commission on Elections (Comelec) nitong Mayo 9, kaugnay sa umano’y pamimigay ng scholarship allowance sa kasagsagan ng election ban.

Sa isang press conference na ginanap sa Calle Preciousa Restaurant nitong Sabado, Mayo 10, iginiit ni Atty. Ferdinand Topacio — national chairman ng Citizens Crime Watch (CCW) — na posibleng may nalabag sa batas nang mamigay ang lokal na pamahalaan ng Pasig ng cash assistance sa mga estudyante noong Mayo 7, o sa loob ng ipinagbabawal na 10-araw na election ban ng Comelec.

“Ang pamimigay ng pera, ayuda, o anumang benepisyo na maaaring maka-impluwensya ng boto, direktang o hindi, ay saklaw ng total ban,” ayon kay Topacio. “Hindi exempted ang scholarship allowance dahil ito ay scheduled pa mula Enero. Bakit ngayon mo lang ibinigay, at lump sum pa?”

Ang reklamong inihain ay administrative disqualification case at hindi pa pormal na kasong kriminal sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Ang nagreklamo: si Victor Barral, dating empleyado ng Pasig City Hall na nagbitiw noong Pebrero 2024, at kasalukuyang miyembro ng CCW.

Ayon kay Barral, nalaman niya sa Facebook ang distribution ng P7,500 scholarship allowance sa Tanghalang Pasigueño. Personal niyang inobserbahan ang aktibidad at kumuha ng ebidensya.

Aminado si Barral na supporter siya ni Sarah Discaya, isa sa mga katunggali ni Sotto, pero giit ni Topacio: “Hindi ‘yan ang issue rito. Ang usapin ay kung may nilabag na batas. At malinaw ang patakaran ng Comelec.”

Binigyang-diin din ni Topacio na hindi siya konektado sa anumang pulitiko sa Pasig at hindi umano nangampanya sa kahit sinong kandidato.

“Sa 32 taong serbisyo ng CCW, hindi kami nag-eendorso ng kandidato,” aniya.

Nilinaw ni Topacio na hindi niya agad hinusgahan si Mayor Vico. “May proseso. Nasa Comelec na ang reklamo. Hayaan nating umusad ito ayon sa batas,” dagdag niya.

Abangan kung saan hahantong ang kasong ito na maaaring yumanig sa political career ng kilalang batang alkalde ng Pasig.