May 8, 2025

CUSTOMS PINURI NI MARCOS SA TAGUMPAY LABAN SA MONEY LAUNDERING

MAYNILA — Pinasalamatan at pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Bureau of Customs (BOC) sa naging malaking ambag nito sa matagumpay na pagkalas ng Pilipinas sa Grey List ng Financial Action Task Force (FATF), matapos ang tatlong taong mahigpit na pagsusuri at sampung ulat na inilatag sa internasyonal na grupo.

Noong Mayo 5, 2025, binigyang-diin ng Pangulo ang hirap at sakripisyong inabot bago nakamit ang delisting ng bansa. Kabilang sa mga hakbang ng administrasyon ay ang paglalabas ng Memorandum Circular No. 37 noong Oktubre 2023, na nag-aatas sa lahat ng kaugnay na ahensiya na tugunan agad ang mga rekisito ng International Cooperation Review Group. Kabilang ang BOC sa mga naturang ahensiya, dahil sa tungkulin nitong tiyakin ang lehitimong paggalaw ng salapi at iba pang monetary instruments sa mga border ng bansa.

Sa ilalim ng patnubay ni Finance Secretary Ralph G. Recto, matagumpay na iniayon ng BOC ang mga enforcement program nito sa pangkalahatang layunin ng pamahalaan ukol sa mas matatag na fiscal at financial governance.

Nagbunga ang matinding border enforcement ng BOC sa mataas na rating ng bansa sa isinagawang FATF On-site Visit noong Enero 2025. Ikinamangha ng FATF ang mga reporma ng BOC, kabilang na ang 455-fold increase sa currency declarations at 194 na pagkakumpiska ng ilegal na salapi noong 2024—lampas sa kabuuan ng mga seizure sa nagdaang sampung taon.

Sa ginanap na awarding ceremony, sinabi ng Pangulo:

“Ang tagumpay na ito ay bunga ng dedikasyon at sakripisyo ng mga indibidwal at ahensiyang hindi natinag sa hamon. Sila ang pader na humarang sa banta ng krimeng pinansyal at terorismo sa ating sistema.”

Ipinagkaloob ni Pangulong Marcos Jr. ang Certificate of Commendation kina BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio at Deputy Commissioner for Enforcement Group Atty. Teddy S. Raval. Ayon kay Rubio,

“Ang tagumpay na ito ay patunay ng aming sipag at dedikasyon, ngunit higit pa rito, ito ay isang paalala na mas lalo pa naming paiigtingin ang aming laban kontra sa mga ilegal na galaw ng salapi.”

Kinilala rin ang 10 pang opisyal at kawani ng BOC sa pamumuno ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, Chairman ng National Anti-Money Laundering/Counter-Terrorism Financing Coordinating Committee (NACC).

Kabilang sa mga pinarangalan sina:

  • Maria Yasmin Obillos-Mapa at Wilnora L. Cawile (NAIA)
  • Atty. Danilo G. Ballena, Jr. (Port of Clark)
  • Atty. Gerard Turiano (Port of Manila)
  • Atty. Christopher Dy Buco at Atty. Rod H. Pino (Legal Service)
  • SP/Capt. Vincent Mark S. Malasmas, SP/Lt. Danilo A. Jamito, Genilyn D. Minardo (Enforcement Group)
  • Ms. Liberty Plana (Management Information Systems Technology Group)

Sa kabuuan, 42 institusyon at mahigit 200 indibidwal ang ginawaran ng pagkilala—isang patunay na sama-samang tagumpay ang pagbangon ng Pilipinas mula sa grey list ng FATF.