
MANILA, Philippines — Sa isang makasaysayang desisyon, idineklara ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division ang diskwalipikasyon ni Christian “Ian” Sia, tumatakbong kinatawan ng nag-iisang distrito ng Pasig, dahil sa umano’y malaswa at diskriminatoryong pahayag laban sa mga single moms at sa kanyang dating babaeng assistant.
Ayon sa Comelec, lumabag si Sia sa Section 261 ng Omnibus Election Code at sa Section 3 ng Resolution No. 11116, na nagbabawal sa diskriminasyon laban sa kababaihan sa panahon ng kampanya.
Ang petisyon ay isinagawa motu proprio—o kusang-loob—ng Comelec’s anti-discrimination panel, batay sa mga naging biro ni Sia noong Abril 3 sa mga campaign caucus.
Kabilang sa mga binanggit na pahayag ni Sia ang kanyang biro na mag-aalok siya ng “serbisyo” sa mga menstruating single moms isang beses kada taon, at isang hiwalay na komentaryo na tila nagfa-fat shame sa kanyang dating assistant.
Sa opisyal na desisyon, sinabi ng division: “Respondent is hereby DISQUALIFIED from continuing as a candidate for Member, House of Representatives, Lone Legislative District of Pasig City in relation to the 2025 National and Local Elections.”
Bagamat diskwalipikado, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na maaari pang umapela si Sia sa Comelec en banc at sa Korte Suprema, hangga’t walang pinal na desisyon, mananatili ang pangalan ni Sia sa balota, at maaari pa rin siyang maiboto at maiproklama kung sakaling manalo.
“This is historic, if I should say,” ani Garcia sa isang press conference, na tinukoy na ito ang kauna-unahang diskwalipikasyon batay sa Resolution No. 11116.Naglabas na rin ng dalawang show-cause orders ang Comelec Task Force Safe laban kay Sia para magpaliwanag sa naturang mga pahayag.
More Stories
MAGIC 12 SA SENADO DIKDIKAN – SURVEY
DOTr SEC. DIZON: MOTOVLOGGERS NA ABUSADO, ‘MATIK’ SUSPENDIDO
CUSTOMS PINURI NI MARCOS SA TAGUMPAY LABAN SA MONEY LAUNDERING