May 8, 2025

WANTED SA KASONG RAPÉ, TIMBOG SA MONUMENTO

CALOOCAN CITY — Hindi na nakaligtas sa batas ang isang auto mechanic na matagal nang pinaghahanap dahil sa kasong rape matapos itong matimbog ng mga awtoridad sa isang operasyon sa Monumento Circle, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa ulat ng Northern Police District (NPD), positibong namataan sa Caloocan ang 53-anyos na akusado, residente ng Quirino Avenue, San Dionisio, Parañaque City. Siya ang No. 1 Most Wanted Person sa buong NPD at No. 2 sa Caloocan City, ayon sa talaan ng kapulisan.

Agad na inatasan ni NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan ang District Special Operations Unit (DSOU) na bumuo ng team, kasama ang Northern District Intelligence Team – RIU at Warrant and Subpoena Section ng Caloocan police upang ikasa ang operasyon.

Alas-8:45 ng gabi, tuluyang nasakote ang akusado sa Monumento Circle, Brgy. 86, East Grace Park.

Dalawang warrant of arrest para sa kasong rape, parehong walang piyansa, ang isinilbi sa kanya. Ang mga ito ay inisyu nina Judge Barbara Aleli Hernandez Briones ng Family Court Branch 1 at Judge Glenda Callo Marin ng RTC Branch 124, parehong mula sa Caloocan City.

Sa ngayon ay nakapiit ang suspek sa Custodial Facility Unit ng DSOU habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa kanyang paglilipat sa Caloocan City Jail.