May 6, 2025

Pinas, sumuporta sa job creation agenda ng World Bank para sa mga umuunlad na bansa

WASHINGTON D.C., U.S.A. — Buong suporta ang ibinigay ng Pilipinas sa bagong job creation agenda ng World Bank (WB) na layong lumikha ng mas maraming trabaho at iangat ang kalidad ng kabuhayan sa mga emerging markets at developing economies (EMDEs), ayon sa Department of Finance (DOF).

Sa ginanap na EDS15 Constituency Meeting noong Abril 23, 2025 sa World Bank Headquarters, sinabi ni DOF Undersecretary for the International Finance Group Joven Balbosa na mahalaga ang papel ng gobyerno sa pagtatag ng pundasyon para lumago ang merkado.

“Habang ang pribadong sektor ang pangunahing tagalikha ng trabaho, hindi dapat kalimutan ang papel ng pampublikong sektor sa pagtatayo ng imprastraktura at pagpapatupad ng mga reporma sa polisiya at regulasyon,” ani Balbosa.

Ayon sa World Bank, tinatayang 1.2 bilyong kabataan ang papasok sa labor force ng mga EMDEs sa susunod na dekada, ngunit 420 milyong trabaho lamang ang inaasahang malilikha. Dahil dito, ginawang pangunahing adbokasiya ng WB ang paglikha ng trabaho.

Ipinagmalaki ni Balbosa ang paglago ng startup industry, digital economy, at aktibong partisipasyon ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Pilipinas bilang matibay na pundasyon sa paglikha ng de-kalidad na trabaho.

Kasabay nito, hinimok ng DOF ang World Bank na patuloy na sundan ang Evolution Roadmap nito — isang plano para mas maging epektibo sa pagharap sa mga pandaigdigang hamon gaya ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at climate change.

“Dapat tuparin ang pangako ng isang mas malaki at mas mahusay na Bangko na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga tao at ng planeta,” dagdag ni Balbosa.

Pinuri rin ng DOF ang pagsisikap ng World Bank na gawing mas abot-kaya ang pautang ng International Bank for Reconstruction and Development (IBRD) para sa mga umuunlad na bansa. Inirekomenda rin ng Pilipinas ang pagpapalawak ng Framework for Financial Incentives (FFI) upang magbigay ng mas mababang interes sa mga proyektong may pandaigdigang epekto.

Sa usapin ng shareholding review, iginiit ng DOF na manatili ito sa prinsipyo ng Lima Principles upang tiyakin ang patas na representasyon ng mga developing countries sa pagboto at pagpapasya.

“Dapat siguraduhin na anumang mungkahi ay may sapat na simulation at dumaan sa bukas at transparent na konsultasyon sa loob ng constituency,” ani Balbosa.

Pinangunahan ni Executive Director Marcos V. Chiliatto ng Brazil ang pagpupulong. Dumalo rin sina DOF Assistant Secretary Donalyn Minimo at Deputy Treasurer Erwin Sta. Ana kasama si Balbosa para katawanin ang Pilipinas.