May 7, 2025

HOSPITAL SA PASIG, OPERADO PERO WALANG BASBAS SA DOH! — VICO SOTTO KINASTIGO NG MGA DATING KAALYADO

PASIG CITY — Isiniwalat ng dalawang dating kaalyado ni Mayor Vico Sotto ang umano’y matinding anomalya sa pagpapatakbo ng Pasig City Children’s Hospital (PCCH), na ngayo’y kilala bilang Child’s Hope — isang ospital na tumatanggap ng pasyente kahit wala pang aprubadong dokumento.

Sa isang matapang na press conference, binanatan nina Ram Cruz at Bobby Hapin ang kasalukuyang administrasyon sa pamumuno ni Sotto, na anila’y inuuna ang “pagpapapogi” kaysa pagsunod sa batas — kapalit nito ay milyong-milyong piso na nawawala sa kaban ng lungsod.

Ayon kay Cruz, dating acting chairman ng Brgy. Bambang, pinasa noong Disyembre 15, 2022 ang isang ordinansa para gawing general hospital ang dating ospital ng mga bata. Simula noon, tumatanggap na ito ng adult patients, kahit umano hindi pa aprubado ng DOH.

Dagdag pa ni Hapin, dating kagawad, ginamit pa raw ang ospital bilang COVID-19 facility noong 2020, at sa kalaunan ay inangking isa na itong Level 2 general hospital — pero walang malinaw na batayan o apruba mula sa national agencies.

Ang malala? Umabot umano sa halos ₱10 milyon ang DENIED na PhilHealth claims ng ospital noong buong 2023, dahil hindi pa raw ito opisyal na rehistrado bilang general hospital.

“May Certificate of Need daw noong Agosto 26, 2022, pero bakit sunod-sunod ang denial ng PhilHealth hanggang ngayong 2025?” tanong ni Hapin.

Ani Cruz, “Kung alam n’yo nang hindi aprubado, bakit tanggap pa rin kayo nang tanggap ng pasyente at tuloy ang pagbi-bill? Saan napupunta ang perang ‘yan?”

Masakit na banat pa ni Hapin: “Pinagmamalaki pa sa kampanya ang ospital na ‘yan, pero ang totoo, taumbayan ang binubulag nila! Araw-araw, milyon-milyong piso ang nasasayang, pero walang malinaw na paliwanag.”

Giit pa nila, ang lahat ng denied claims sa PhilHealth ay babagsak sa bulsa ng mga Pasigueño — mga mamamayang walang kamalay-malay sa sablay ng mga opisyal nila.

Hinamon ni Cruz si Mayor Vico: “Kung talagang transparent ka, ilabas mo sa publiko ang tunay na datos! Magkano na ang nalustay? Hindi ‘yung puro pa-cute at FB post lang!”

At ang matinding tanong na iniwan ni Cruz:

“Alin ang mauuna — OPERATION O APPROVAL? Mayor Vico, sagot!”