May 5, 2025

Bawal ang Pustahan sa Halalan! Kulong ang Katapat – Comelec

MANILA – Paalala ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko: Bawal ang pustahan sa resulta ng halalan! Ayon sa Omnibus Election Code, ang sinumang mahuhuling sangkot sa ganitong aktibidad ay maaaring makulong at masampahan ng kasong election offense.

Sa nalalapit na halalan ngayong Mayo 12, muling pinaalalahanan ng Comelec ang publiko na seryosong paglabag ang pagsusugal o pagtaya sa kung sino ang mananalo sa eleksyon, lalo na’t ginagamit ito ng ilan para mandaya, manipulahin ang resulta, o makaimpluwensiya ng boto.

“Hindi ito laro. Ang halalan ay sagradong proseso. Ang pustahan ay hindi lang hindi naaangkop, ito ay bawal at may parusang kulong,” babala ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.

Batay sa Section 261 ng Omnibus Election Code, itinuturing na election offense ang sinumang:

  • Tumaya o nagpustahan sa resulta ng halalan
  • Nanghikayat ng ibang tao na tumaya
  • O tumanggap ng pera kapalit ng pagtaya

Ang parusa? 1 hanggang 6 na taong pagkakakulong, pagkakait ng karapatang bumoto, at diskwalipikasyon sa pagtakbo sa kahit anong pampublikong posisyon.

Sa kabila ng babala, may mga ulat na sa mga komunidad at online chat groups, nagsisimula nang kumalat ang pustahan kung sino ang “sigurado nang panalo” sa ilang lugar.

Muling panawagan ng Comelec: Isumbong agad sa mga otoridad ang sinumang sangkot sa ganitong iligal na aktibidad.

“Huwag natin bastusin ang halalan. Hindi ito sabong. Hindi ito bingo. Ang boto ng bawat Pilipino ay hindi dapat tinutumbasan ng pera o pustahan,” diin pa ng ahensya.