
BATANGAS – Humaharap ngayon sa serye ng reklamo si Batangas 2nd District Representative Gerville “Jinky Britics” Luistro na inihain sa Office of the Ombudsman ng isang anonymous na nagreklamo.
Batay sa dokumento, inirereklamo si Luistro ng umano’y graft, vote-buying, premature campaigning, at maling paggamit ng pondo ng gobyerno — partikular ang mga programang tulad ng AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations), AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita Program), TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers), at mga pambansang scholarship.
Ayon sa reklamo, ginamit umano ni Luistro ang mga serbisyong ito para palakasin ang kanyang kandidatura para sa darating na halalan sa 2025. Nakasaad din na habang namamahagi ng tulong, nakapaskil umano ang kanyang mga tarpaulin na may larawan at pangalan, kahit kasagsagan ng campaign period — bagay na ipinagbabawal ng COMELEC at DSWD.
Dagdag pa ng reklamo, dokumentado raw ang mga insidente sa verified social media accounts na konektado sa opisyal na Facebook page ni Luistro.
Gayunman, tikas ang paninindigan ng kongresista na walang basehan ang mga alegasyon.
“Chill lang, relax lang, kayang-kaya ni Britics ’yan,” pahayag ni Luistro sa ABS-CBN News habang nasa campaign sortie sa Barangay Padre Castillo, San Pascual, Batangas.
“Totally unfounded, walang detalye, walang ebidensya, parang chopsuey — pinaghalo-halo sa iisang sangkap na lamang. Dapat i-dismiss agad,” dagdag pa niya.
Mariin din niyang pinabulaanan ang umano’y paggamit ng ayuda para bumili ng boto. Aniya, matagal nang ipinatutupad ang mga programa bago pa man magsimula ang opisyal na kampanya.
“Ito pong mga ayudang ito ay matagal nang ini-implement nationwide. Malaki ang tulong nito sa ating mga kababayan. Sana po ay hindi ito mabahiran ng kulay pulitika,” giit ni Luistro.
Muling tumatakbo si Luistro sa ilalim ng lokal na partido at makakaharap ang dating kongresistang si Raneo Abu sa darating na eleksyon.
More Stories
Bawal ang Pustahan sa Halalan! Kulong ang Katapat – Comelec
Trahedya sa NAIA: Ford SUV Nanagasa, 2 Patay, 4 Sugatan
NNIC, Aalisin 27 Abandonadong Eroplano sa NAIA