
QUEZON CITY — Balik sa entablado ng kampeonato ang De La Salle University matapos talunin ang University of Santo Tomas sa score na 25-22, 11-25, 25-11, 25-21 sa semifinals ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament, Sabado, Mayo 3, sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang dalawang taong pagkatengga sa finals, nakabalik ang Lady Spikers sa ikalawang pagkakataon mula 2023, sa pamamagitan ng isang makapangyarihang pagganap na isinilbi rin bilang paghihiganti laban sa Tigresses na siyang tumalo sa kanila sa semifinals noong nakaraang taon.
Hindi natinag ang Taft-based squad kahit bumigay sila sa second set. Mula sa mapait na kabiguan ng nakaraan, ginamit ng Lady Spikers ang karanasang ito bilang inspirasyon para makabalik sa pamilyar na teritoryo — ang UAAP Finals — sa ika-21 pagkakataon sa kasaysayan ng koponan.
Pinangunahan ni Angel Canino ang La Salle na may 19 puntos mula sa 17 attacks at dalawang blocks, habang tumulong sina Amie Provido at Shevana Laput na may 15 at 14 na puntos, ayon sa pagkakasunod. Ipinamalas din ni Mikole Reyes, na ngayon pa lang sasabak sa kanyang unang finals appearance, ang galing sa playmaking sa kanyang 14 excellent sets.
Sa kabila ng matinding pagsisikap nina Angge Poyos at Reg Jurado na nagsanib-puwersa para sa 43 puntos, hindi ito naging sapat upang mapigilan ang determinadong La Salle.
Sa panalong ito, sasalang ang Lady Spikers sa best-of-three finals kontra National University Lady Bulldogs, ang koponang kanilang tinalo sa kanilang huling finals appearance. (RON TOLENTINO)
More Stories
Sudden-Death Semis: UST at NU Laban Para sa Final Spot sa UAAP Men’s Volleyball
131 LGUs Balak Kasuhan ng ARTA Dahil sa Kabiguan Magpatayo ng e-BOSS Laban sa Red Tape at Katiwalian
Truck ng Comelec Service Provider Nahulog sa Bangin sa CDO; 1 Patay