May 24, 2025

Manila Archdiocese, Nanawagan ng Panalangin para sa Pagpili ng Bagong Santo Papa

Photo courtesy: VeritasPH

Nanawagan ang Archdiocese of Manila nitong Biyernes sa mga mananampalataya na magkaisa sa panalangin kaugnay ng nalalapit na pagpupulong ng College of Cardinals sa Vatican para sa eleksyon ng ika-267 na Santo Papa.

Sa pamamagitan ng Circular No. 2025–31, hinikayat ng arsobispo ang mga parokya at komunidad sa bansa na makibahagi sa iba’t ibang uri ng panalangin para sa matagumpay na pagpili ng bagong pinuno ng Simbahang Katolika.

“We request you to enjoin the faithful to participate in the celebration of the Eucharist, Adoration of the Blessed Sacrament, Liturgy of the Hours, personal prayer, and the praying of the rosary in solidarity with the whole Church,” saad ng pahayag.

Simula Sabado ng gabi, ika-3 ng Mayo 2025, ay inaatasan ang lahat ng simbahan na isama ang Prayer for the Election of a Pope pagkatapos ng Post Communion Prayer sa lahat ng Banal na Misa.

Sa darating na Miyerkules, Mayo 7, kasabay ng pagsisimula ng papal conclave sa Vatican, ang lahat ng misa sa mga parokya at pamayanang Katoliko ay ilalaan para sa layuning ito.

“On Wednesday, 7 May 2025, the beginning of the conclave, our Masses in our parishes and communities will be ‘For the Election of a Pope,’” dagdag ng Archdiocese.

Ang halalan ng bagong Santo Papa ay magaganap isang linggo matapos pumanaw si Pope Francis noong Abril 21 sa edad na 88. Siya ang ika-266 na Santo Papa at unang Heswita at Latin American na umupo sa trono ni San Pedro.