May 1, 2025

Islay Bomogao todo-handa para sa IFMA World Championships; target ang tagumpay sa Muay Thai sa Turkey

MANILA, Philippines — Puspusan ang paghahanda ng ONE Championship Muay Thai star na si Islay Erika Bomogao para sa kanyang paglahok sa nalalapit na IFMA World Championships sa Turkey ngayong Hunyo, bilang kinatawan ng Pilipinas sa larangan ng Muay Thai.

Ayon sa 24-anyos na pambato, kabilang siya at ang buong Philippine National Muay Thai Team sa isang buwang matinding training camp sa Tiger Muay Thai gym sa Phuket, Thailand — isa sa mga kilalang pasilidad sa mundo para sa mga elite strikers.

“Super intense pero rewarding ang training. Nakaka-motivate ang atmosphere dahil sa galing ng facilities at galing ng mga taong nandoon,” pahayag ni Bomogao.

Ibinida rin niya ang kalidad ng mga instruktor sa kampo, na bukas makipag-collaborate sa mga sariling coaches ng bawat atleta. “World-class ang training. May personalized program pa ako na tumutugon talaga sa pangangailangan ko bilang atleta,” dagdag niya.

Ang Tiger Muay Thai gym ay tahanan ng ilang kilalang pangalan sa combat sports, gaya nina #4-ranked bantamweight Muay Thai contender Felipe Lobo, Lethwei legend Vero, at ONE MMA World Champion Anatoly Malykhin.

Bukod sa paghandang ito para sa IFMA, sinabi ni Bomogao na layunin din niyang gamitin ang training camp para sa kanyang susunod na laban sa ONE Lumpinee.

“Dalawa ang layunin ng kampong ito — para sa world championship at para sa mga laban ko sa ONE Championship,” ani Bomogao.

Sa pagbabalik niya matapos ang torneo sa Turkey, nangako si Bomogao na itutuloy ang kanyang pag-akyat sa rankings ng ONE Championship.

“Punung-puno ako ng sigla at pananabik,” aniya. “Hindi lang ito para sa laban, kundi para rin sa bunga ng lahat ng pagsisikap ko.” (RON TOLENTINO)