May 1, 2025

PNP UMATRAS SA KASO VS ALVIN QUE, ANAK NG PINASLANG NA NEGOSYANTE

MANILA, Philippines — Binawi na ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakadawit ni Alvin Que, anak ng pinaslang na negosyanteng si Anson Que, sa kasong pagdukot at pagpatay na yumanig sa bansa nitong Abril.

Ayon sa abogado ng pamilya Que na si Atty. Jose Belmonte, nakatanggap sila ng abiso mula sa PNP na walang sapat na ebidensyang mag-uugnay kay Alvin sa krimen.

“Dahil dito, magsusumite ang PNP ng mosyon sa Department of Justice (DOJ) upang amyendahan ang reklamo at alisin ang pangalan ni Alvin sa listahan ng mga respondent,” pahayag ni Belmonte noong Abril 30.

Nagpasalamat din si Belmonte sa mabilis na aksyon ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil, kasunod ng mga ulat na mali umanong iniugnay si Alvin sa kaso.

Mariin ding kinondena ng grupong Movement of Restoration and Peace ang pagkakadawit ni Alvin, batay lamang sa umano’y extrajudicial confession ni David Tan Liao — isang kilalang suspek sa serye ng pagdukot at pagpatay.

“Isang notoryus na kriminal ang pinagbatayan—si David Liao, isang gun-for-hire. Bakit naging batayan ang kanyang salita para gawing person of interest si Alvin Que?” tanong ng grupo.

Sa press briefing naman noong Miyerkules sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na bagaman si Liao ay boluntaryong sumuko at nagbigay ng salaysay noong Abril 19, wala naman itong naipakitang konkretong ebidensya laban kay Alvin.

“Kailangan naming maging maingat at masusi sa imbestigasyon. Posibleng ginagamit lang ni David Tan Liao ang pangalan ni Alvin upang ilihis ang imbestigasyon mula sa tunay na utak sa krimen—kung meron man,” pahayag ni Fajardo.

Matatandaang natagpuan ang bangkay ni Anson Que at ng kanyang driver noong Abril 9, na sinasabing biktima ng kidnap-slay case na patuloy pang iniimbestigahan.