May 1, 2025

Libu-libong Manggagawa Rumaragasa sa Maynila; P200 Dagdag-Sahod, Ipinapanawagan

MANILA — Libu-libong manggagawa ang nagmartsa sa mga lansangan ng Maynila nitong Huwebes ng umaga, Mayo 1, upang ipanawagan ang mas mahigpit na proteksyon sa paggawa at makabuluhang dagdag-sahod mula sa administrasyong Marcos.

Pinangunahan ni Flora Santos ng Metro Manila Vendors Alliance ang kilos-protesta na nagsimula bandang alas-6 ng umaga, dala ang panawagan para sa P200 wage increase sa gitna ng patuloy na krisis sa kabuhayan.

“Hanggang ngayon, ang kalagayan ng mamamayang Pilipino, lalo na ang manggagawa, ay nagugutom at naghihirap — mababa ang sahod, kontraktwal ang trabaho, at taas-presyo sa bilihin,” ani Santos sa kanyang talumpati.

Dumaan ang hanay ng mga raliyista sa España, Nicanor Reyes, at Recto Avenue, na pansamantalang isinara sa mga motorista. Mendiola sana ang target na puntahan, ngunit hinarangan ng mga pulis ang daan kaya’t sa Recto na lamang isinagawa ang programa.

Nagtayo ng pansamantalang entablado sa Recto kung saan nagtanghal ng mga awitin, tula, at sayaw ang mga manggagawa upang ipanawagan ang regularisasyon, mas ligtas na kundisyon sa trabaho, at maayos na serbisyong publiko.

“Sa mga coal-fired powerplant at minahan, walang sapat na proteksyon ang mga manggagawa. Kapag may operasyon, buhay agad ang nakataya,” ani Laica Rayel ng Philippine Movement for Climate Justice.

Samantala, inihayag ng Malacañang nitong Abril na muling nire-review ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang kasalukuyang antas ng sahod sa bawat rehiyon, subalit mariing iginiit ng mga raliyista na “sobra na ang antay, gutom na ang masa.”

Naging mapayapa ang martsa ngunit nananatili ang panawagan: “Trabaho, sahod, at karapatang pantao — hindi dapat binabalewala!”