May 1, 2025

MASTERMIND, TIKLO! Kontraktor, itinumba dahil lang sa basketball

Sto. Tomas City, Batangas — Kalaboso ang tatlong suspek kabilang ang itinuturong utak sa brutal na pagpaslang sa isang building contractor sa Sto. Tomas City, matapos ang mabilis na follow-up operation ng mga awtoridad.

Kinilala ni P/Lt. Col. Jay Cuden, hepe ng Sto. Tomas City Police, ang utak ng krimen na si Edgar Torres Serrano at ang dalawang gun-for-hire na sina Vivencio Chavez at Ian Rey Marasigan.

Napatay ang biktima na si Jovan Cantuba, 43 anyos, residente ng Highland Residence sa Brgy. San Vicente, matapos pagbabarilin sa harap ng kanyang bahay noong Lunes ng umaga, Abril 28.

Kaagad na nadakip sina Serrano at Chavez sa ikinasang hot pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng Sto. Tomas PNP at ng Provincial Intelligence Unit-PSOG ng Batangas Provincial Police Office sa mismong araw ng krimen.

Samantala, kusang loob na sumuko si Marasigan, 46 anyos, nitong Miyerkules (Abril 30) kay Brgy. Chairman Domingo Carpio ng Brgy. San Vicente.

Narekober mula kay Chavez ang ginamit sa krimen na isang Colt .45 caliber pistol na may dalawang magazine na kargado ng bala, isang kulay asul na jacket, helmet, at maroon na sling bag.

Lumutang ang nakakagulat na motibo sa krimen — simpleng alitan sa basketball umano ng biktima at ng mastermind ang sinasabing dahilan ng pamamaslang.

Mahaharap ang tatlo sa kasong Murder at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) kaugnay ng umiiral na election gun ban, at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings. (KOI HIPOLITO/ERICHH ABRENICA)