May 1, 2025

WALANG PLAKA, MAY STICKER! Teodoro, pinaiimbestigahan sa umano’y ilegal na paggamit ng sasakyan sa kampanya

Marikina City — Nanawagan ang ilang residente ng Marikina sa Commission on Elections (Comelec) na agad na magsagawa ng imbestigasyon laban sa isang kandidato sa lungsod na umano’y gumagamit ng sasakyan na walang plaka — na malinaw umanong paglabag sa batas.

Sentro ngayon ng kontrobersya si Congresswoman Maan Teodoro, kandidato sa pagka-alkalde ng Marikina, matapos makita ang sasakyang may campaign sticker niya pero walang plaka.

Ayon sa mga residente, unang namataan ang naturang sasakyan kahapon ng umaga, bandang 9:30 hanggang 9:45, habang bumibiyahe sa kahabaan ng Gil Puyat Street/A. Bonifacio (Loyola side), sa Brgy. Barangka, Marikina, patungo umano sa UBB.

Giit ng mga saksi, malinaw na walang anumang plaka ang sasakyan — isang tahasang paglabag sa patakaran ng Land Transportation Office (LTO). Wala ring nakita na conduction sticker o special permit na magsasabing legal ang paggamit ng naturang sasakyan sa kalsada.

“Hindi kami bulag. May campaign sticker ng kongresista, kaya hindi maitatanggi kung kanino ‘yan,” ani ng isang residente.

Tanong ng publiko: Ginagamit ba ni Teodoro ang kanyang posisyon para takasan ang batas trapiko? Lumalakas ang panawagan na magkaroon ng patas at masusing imbestigasyon, lalo’t ang isyu ay may kinalaman sa pagiging ehemplo ng isang halal na opisyal.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may opisyal ng gobyerno na nasangkot sa ganitong uri ng isyu. Ngunit dahil eleksyon na naman, mas dapat umano itong tutukan ng Comelec upang masigurong walang inaabuso sa kapangyarihan.

Hanggang sa ngayon, tikom pa rin ang kampo ni Teodoro at wala pang inilalabas na pahayag ukol sa isyu.