May 1, 2025

P20 RICE PROGRAM SA METRO MANILA, NAURONG SA MAY 13

MANILA — Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules na ipagpapaliban muna ang paglulunsad ng PHP20 kada kilong bigas sa Metro Manila sa ilalim ng programang “Benteng Bigas Mayroon (BBM) Na” mula Mayo 2 sa bagong petsang Mayo 13, alinsunod sa hiling ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon sa DA, ang desisyon ay ginawa upang maiwasan ang mga akusasyon ng pamumulitika, lalo’t malapit na ang May 12 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Metro Manila.

Sa isang panayam, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tuloy pa rin ang pilot launch ng programa sa Cebu sa Mayo 1.

“Ang Kadiwa naman ay pinapayagan sa Mayo 1. Pero mula Mayo 2 hanggang Mayo 12, mukhang hindi kami pinapayagan,” ani Laurel.

“Kaya tuloy ang launching ng PHP20 kada kilong bigas bukas sa Cebu.”

Sa Metro Manila, walong Kadiwa ng Pangulo (KNP) sites ang orihinal na target para sa rollout. Pero sa bagong petsa ng paglulunsad, sinabi ni Laurel na maaari pang madagdagan ang mga KNP site na sasali sa programa.

“Definitely madadagdagan pa iyan,” aniya. “Ibigay namin ang full schedule bago ang actual selling sa Mayo 13.”

Nauna nang sinabi ng DA na “all systems go” na ang pilot rollout sa Cebu, na magiging bukas para sa lahat ng mamimili.

Sa kabuuang rollout ng programa sa Visayas — kabilang ang Western, Central, at Eastern Visayas pati na ang Negros Island region, mahigit 800,000 pamilya o tinatayang 4 milyong katao ang inaasahang makikinabang.